Lalong tumitibay ang mga Pinoysa 2014 Qatar World 9-Ball

MANILA, Philippines - Habang tumatagal ang labanan ay lalong tumitibay ang laro na ipinakikita nina Carlo Biado, Johann Chua, Raymund Faraon at Elmer Haya nang umabante pa ang mga ito sa 2014 World 9-balll Championship sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar.

Ang Last 32 ay ginawa kahapon at ang apat na ito ay nasalang sa unang session at pinalad na manalo sa kanilang mga laban.

Si Biado na semifinalist noong nakaraang taon ay nanaig kay Jason Klatt ng Canada, 11-5; si Chua ay kuminang kay Konstantin Stepanov ng Russia, 11-5; si Faraon ay nagwagi sa bata pero mahusay na si Wang Can ng China, 11-7 at si Haya ay pinagpahinga si Hijikata Hayato ng Japan, 11-8.

Isa naman ang tiyak na malalagas sa pagpasok ng Last 16 dahil magkatapat sina Faraon at Haya sa isang laro.

Makakasukatan ni Chua ang nagpapasikat na Qatari na si Waleed Majed na matapos patalsikin si Lee Vann Corteza ay pinagpahinga si Darren Appleton ng England, 11-9.

Kalaro ni Biado si Ko Pin Yi ng Taipei na nalusutan ni Naoyuki Oi ng Japan, 11-10.

Sina Antonio Gabica at Ramil Gallego ay nagtatangka pa na dagdagan ang mga Pinoy na palaban pa dahil kalaro ni Gabica si Ryu Seung Woo ng Korea habang katapat ni Gallego si Nick Van Den Berg sa second session ng Last 32.

Hanggang quarterfinals ang laro kahapon at ang semifinals at finals ay gagawin ngayon.

Naiwan sa anim ang panlaban ng Pilipinas dahil nasama sa nasibak sina Dennis Orcollo at Jeffrey De Luna.

Talunan ang dating world champion na si Orcollo ni Oi, 8-11, habang namaalam si De Luna kay Klatt, 6-11.

Sina Warren Kiamco, Lee Vann Corteza at Francisco Felicilda ang iba pang nasibak sa pagbubukas ng aksyon sa knockout round.

 

Show comments