MANILA, Philippines - Nagwagi agad sina Johann Chua, Raymond Faraon at Elmer Haya sa pagsisimula ng Last 64 ng World 9-ball Cham-pionship upang pawiin ang pagkatalo ng mga beterano na nilaro kahapon sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar.
Pinagpahinga ni Chua na umabante mula sa winner’s group si Da-niele Corrieri ng Italy, 11-4, upang pumasok na sa Last 32.
Si Faraon ay nanaig kay Liu Cheng Chieh ng Chinese Taipei, 11-5, habang si Haya ay nangi-babaw sa kababayang si Francisco Felicilda, 11-4.
Sunod na kalaro ni Faraon si Wang, si Haya ay makikipagtagisan kay Hijikata Hayato ng Japan at si Chua ay masusukat kay Konstantian Stepanov ng Russia para sa puwesto sa Last 16.
Ang laro sa Last 32, Last 16 at Last 8 ay gagawin ngayon habang bukas ang aksyon sa semifinals at finals.
Pero ang mga inaasahan na lalaban para sa kampeonato ng kompetisyon na sina Lee Vann Corteza at Warren Kiamco ay hindi pinalad at namahinga na.
Si Corteza na tulad ni Kiamco ay kinailangang lusutan ang loser’s bracket sa Group stages, ay ginulat ng pambato ng Qatar na si Waleed Majeed, 11-6, habang si Kiamco ay pinataob ng papasibol na Chinese player na si Wang Can, 11-9.
Ang iba pang Filipino na nasa Last 64 ay sina 2013 runner-up Antonio Gabica, Dennis Orcollo, Carlo Biado, Jeffrey De Luna at Ramil Gallego at sila ay sumalang din kagabi.
Katipan ni Gabica si Medhi Rasekhi ng Iran; si Orcollo ay kalaro si Naoyiko Ohi ng Japan; si Biado ay katapat ni Mieszkoo Fortunski ng Poland at si De Luna ay mapapalaban kay Jason Klatt at si Gallego ay katunggali si Ralf Souquet ng Germany. (AT)