BELO HORIZONTE, Brazil -- Nagpamalas ng impresibong laro ang Argentina captain na si Lionel Messi upang ihatid ang kanyang koponan sa last 16 sa kanilang panalo kontra sa Iran.
Nahanapan ni Messi ng butas ang depensa ng Iran sa injury time para itulak ang Argentina sa 1-0 panalo sa World Cup nitong Sabado sa Brazil.
Ang goal ni Messi ay nangyari isang minuto sa injury time at nagawa niya ito kahit marami siyang sinayang na attempts sa unang tagpo ng laro.
May isang defender pa sa harap ng team captain nang makita ang kaunting siwang at gamit ang kaliwang paa ay palobong naitawid ni Messi ang bola sa nagbabantay at sa Iranian goalie na si Alireza Haghighi.
Bago ito ay nabigyan ang tinitingala sa mundo sa larangan ng football ng tsansang basagin ang kawalan ng iskor sa laro sa 72nd minute sa isang free kick. Ngunit alerto si Haghighi para biguin ito.
Ito ang ikalawang goal ni Messi sa torneo matapos makaisa sa 2-1 panalo sa Bosnia-Herzegovina para bigyan ng 2-0 karta at anim na puntos ang koponan para umabante na sa knockout round sa Group F.
Sa Fortaleza, umiskor si Miroslav Klose ng World Cup record tying 15th goal nang magtapos sa draw ang kanilang laban ng Ghana, 2-2.
Pinantayan ni Klose ang record ni Brazilian star Ronaldo at ipinagdiwang niya ang kanyang goal sa pamamagitan ng kanyang trademark na summersault.
Naiselyo ng Nigeria ang unang panalo sa World Cup sapul noong 1998 sa goal ni Peter Odemwinge sa first half na nagpatalsik sa new-comer na Bosnia Herzegovina.
May isang panalo at isang tabla ang Nigeria na kailangang makatabla ang Argentina sa huling laro para matiyak ang pag-abante.