Iinit ang labanan sa susunod na buwan

MANILA, Philippines - Iigting pa ang labanan sa horse racing sa mga susunod na buwan dahil sa paglarga ng malalaking karera.

Ang third leg ng 2014 Philracom Triple Crown Championship ang siyang tampok na karera na tututukan ng bayang karerista sa buwan ng Hulyo.

Ito ay gagawin sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Hul­yo 27 at gagawin ito sa distansyang 2,000-metro.

Nasa P3 milyon ang premyong paglalabanan at P1.8 milyon ang maiuuwi ng mangungunang kabayo ngunit may dagdag na P500,000.00 kung may hihiranging Triple Crown champion sa taong ito.

Ang Kid Molave ang siyang nag-iisang kabayo na palaban sa titulo matapos pangunahan ang u­nang leg noong nakaraang buwan sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.

Sa Hulyo 26 ay itatakbo muna ang Hopeful Stakes na sinahugan ng P1 milyon at ang mananalo ay mag-uuwi ng P600,000.00 gantimpala.

Bago ito ay itatakbo muna ang 4th leg ng Imported/Local Challenge Race sa Hulyo13 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Sa 1,900-­metro ang distansya ng ka­rera at sinangkapan ito ng P500,000.00 kabu­uang premyo.

Sa buwan ng Agosto ay makikita na ang mahu­husay na edad dalawang taong gulang na mga kabayo sa pagbubukas ng Juvenile Championship.

Ang unang leg ay gagawin sa Agosto 24 sa Santa Ana Park at ang Juvenile Fillies at Colts races ay inilagay sa 1,000-metro distansya.

Tatlong malalaking karera pa ang gagawin sa buwan na ito para mapasaya ang mga tuma­tangkilik sa industriya.

Ang fifth leg ng Imported/Local Challenge Race ay gagawin sa Agosto 10 sa Metro Turf Club sa makapigil-hiningang 2,000-metro distansya.

Sa Agosto 31 ay itatakbo naman ang Lakambini Stakes Race sa Malvar, Batangas sa 1,800-metro distansya.

Gagawin din sa buwang ito ang dalawang Bagatsing Cup sa Agosto 17 sa San Lazaro. (AT)

 

Show comments