3-sunod na panalo sa Generika-Army

MANILA, Philippines - Pinalawig ng Generika-Army Lady Troopers ang pagpapanalo sa tatlong sunod matapos pabagsakin ang RC Cola-Air Force Raiders, 25-21, 27-29, 25-20, 25-21 sa 2014 PLDT Home-Phi-lippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Nakitaan ng mainit na laro si Nerissa Bautista sa pinakawalang 13 kills tungo sa 16 puntos habang sina Jovelyn Gonzaga at Tina Salak ay naghatid ng 14 at 10 puntos. Si Salak ay may limang blocks pa para pagtibayin ang depensa ng two-conference champion Lady Troopers.

“Alam ko na sa depensa kami magkakatalo dahil halos pareho ang istilo ng laro namin,” wika ng winning coach na si Rico de Guzman.

Umangat ang Lady Troopers sa 3-2 karta para makasalo ang pahingang AirAsia Flying Spikers sa ikatlong puwesto sa pitong koponang liga na inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL.

Tinapos ng Raiders ang laro sa elimination round tangan ang 4-2 karta at ang kabiguang ito ay pumigil sa tangka ng koponan na okupahan ang puwesto sa semifinals sa ligang may ayuda pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.

Sina Joy Cases at Iari Yongco ay may tig-16 puntos para sa Raiders na hindi nasustina ang malakas na panimula sa ikatlo at ikaapat na sets para matalo sa laban.

Pahinga ang PSL sa loob ng dalawang linggo dahil magbibigay daan sila sa Cagayan Friendship Games. Sa Hulyo 2 na ang balik ng aksyon sa Astrodome.(AT)

 

Show comments