Unang panalo ng Firm Grip sa buwan ng Hunyo

MANILA, Philippines - Buo na dumating ang kabayong Firm Grip para makatikim ng panalo sa buwan ng Hunyo matapos ang pista noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Si RM Telles ang siyang sumakay sa siyam na taong gulang kabayo na inilagay agad sa panga­lawang puwesto saka pi­nakawalan ang lakas nito sa huling 50-metro.

Ang The Avenger ni EP Nahilat ang agad na kumuha sa liderato sa Special Handicap Race pero napasama ito dahil ubos na ito sa rekta at hindi na na­sabayan ang pagdating ng nanalong kabayo.

Ikalawang panalo ito ng Firm Grip sa huling tat­long takbo at ang di na­paboran sa pitong naglaban ay naghatid ng P33.00 sa win. Ang 5-4 forecast ay mayroong P382.50 dibidendo.

Ang Royal Choice na paborito dahil galing ito sa panalo sa huling takbo ay hindi tumimbang.

Mga paboritong ka­bayo ang nanalo sa hu­ling araw ng pista noong na­karaang taon at ang Di­vine Eagle ang siyang pi­nakapaborito na nanalo sa Handicap Race 8 sa 1,500-metro distansya.

 

Show comments