Dalawang gold, isang silver inangkin ng Phl dragon boat team sa IDBF World Cup

MANILA, Philippines - Pumaimbulog muli ang Pilipinas sa lara­ngan ng dragon boat competition nang manalo ng dalawang gold at isang silver medal sa 1st IDBF World Cup na ginawa sa Fuzhou, China.

Ang world champion team ang ipinarada ng Phi­lippine Dragon Boat Fe­deration (PDBF) sa pre­mier mixed standard (20 paddlers) 100-meter at 500-meter distance, habang sumegunda sa 200-meter race upang mu­ling ibalik ang res­pe­tong nawala sa mga naka­raang taon nang nawalan ng manlalaro ang PDBF.

May 12 bansa ang su­mali sa kompetisyon ng International Dragon Boat Federation (IDBF) at naorasan ang pambansang koponan ng 23.445 sa 100-meter race pa­ra daigin ang Canada (23.825), China (24.049) at Hong Kong (25.127).

Sumagwan din ang ko­ponan ng bilis na 2:03.693 sa 500-meter distance para mana­ig kon­tra sa China (2:03.94), Canada (2:04.553) at US (2:04.709).

Ang dalawang ginto ang pumawi sa pilak na na­kuha sa 200-meter race nang maorasan lamang ng 49.525 na mas mabagal sa 48.659 ng China.

Ang Australia, Great Bri­tain, Russia, Czech Re­public, Italy, Guam at Germany ang kumum­pleto sa talaan ng mga nag­laro sa tatlong araw na kompetisyon na kung saan ang bansa ay tumapos sa pangalawa.

Ang China ang nanalo sa 400-m at 1,000-m ra­ces para kunin ang overall title bitbit ang tatlong gold at tig-isang pilak at bronze medals.

Ito ang ikalawang in­ter­national tournament na kuminang ang Pilipinas dahil ang PDBF team ay sumagwan ng isang gin­to at dalawang pilak sa Asian Championships sa Macau kamakailan.

Nawalan ng manlalaro ang PDBF nang alisin ito bilang kasapi ng Philippine Olympic Committee (POC) at ipinag-utos na ang dragon boat ay isama na lamang sa Philippine Canoe-Kayak Federation.

Nagkaroon lamang ng kaguluhan ang mga ko­ponan at pamunuan ng PCKF at sila ay tinanggal.

Ito ang nagtulak sa mga atleta na bumalik sa PDBF at ang desisyon ay nakabuti sa bansa.

 

Show comments