MIAMI -- Gumawa ang San Antonio Spurs ng kasaysayan sa first half at nalampasan ang pagbangon ng Miami Heat sa third quarter para kunin ang 111-92 panalo sa Game 3 ng NBA Finals at angkinin ang 2-1 lead sa kanilang best-of-seven series.
Nagtayo ang Spurs ng 21-point halftime lead, 71-50, matapos umarangkada sa first half.
“It’s not something you can plan for,’’ sabi ni San Antonio reserve Manu Ginobili. “There was no magic plays. We just moved the ball and every shot went in.’’
Nagsalpak ang San Antonio ng 25 sa kanilang 33 field goal attempts sa first half para sa kanilang 75.8% shooting percentage na isang NBA Finals record para sa kalahati ng isang laro.
Lumamang pa ang Spurs ng 25 points sa second quarter makaraang kumonekta ng 19 sa kanilang 21 shots.
Ngunit naputol ito ng Heat sa 14 points galing sa magkakasunod na three-pointers ni Rashard Lewis.
Nag-init si Dwyane Wade sa third quarter para idikit ang Miami sa pitong puntos sa nasabing yugto.
Subalit nagbalik sa kanilang porma ang Spurs sa pagsisimula ng fourth quarter at ang mga tirada ni Kawhi Leonard ang muling nagbigay sa kanila ng double-digit advantage.
Dahil sa panalo, dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Spurs para angkinin ang kanilang pang-limang NBA championship.
Pinangunahan ni Leonard ang San Antonio sa kanyang 29 points, kasama rito ang 18 sa first half.
Ito naman ang unang kabiguan ng Heat sa kanilang home floor sa playoffs. Umiskor sina LeBron James at Wade ng tig-22 points para sa Miami na pamamahalaan ang Game 4 sa Huwebes.