PCSO Silver Cup tatakbo bukas

MANILA, Philippines - Mainit na pagsalubong sa buwan ng Hunyo ang magaganap dahil sa paglarga ng 2014 PCSO Silver Cup sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Bukas itatakbo ang premyadong karera na itinataguyod ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at pitong matitinik na pangarerang kabayo ang magsusukatan para makuha ang kampeo­nato.

Mangunguna rito ang nagdedepensang kampeong Hagdang Bato na balak kunin ang ikalawang sunod na panalo sa dalawang takbo sa taong ito.

Dahil dating kampeon, ang kabayong pag-aari ni Mandalu­yong City Mayor Benhur Abalos at gagabayan ni Jonathan Hernandez ay binigyan ng pinakamabigat na handicap weight na 58.5 kilos sa pagtahak sa mahabang 2,000-metro karera.

Bukod sa mabigat na timbang, hahamunin din ng Hagdang Bato na nagkampeon sa Philracom Commissioner’s Cup noong  Marso, ang mga de-kalidad na katunggali tulad ng Pugad Lawin ni Pat Dilema.

Nais patunayan ng Pugad Lawin na kaya niyang sagupain ang Hagdang Bato matapos talunin ito sa Presidential Gold Cup noong nakaraang taon.
Kasali ang Pugad Lawin sa Commissioner’s Cup pero nalagay lamang ito sa malayong pangatlong puwesto.

Tatakbo rin ang mga subok na sa stakes race na Tensile Strength (JT Zarate) at Spinning Ridge (JA Guce) habang ang iba pang kalahok ay ang Sulong Pinoy (JPA Guce), Steel Creation (MA Alvarez) at Captain Ball (FM Raquel Jr.).

Sinahugan ang karera ng P3.8 milyong premyo at ang mananalo ay magkakamit ng P2.5 milyon.

May P700,000.00 ang papangalawa sa datingan habang P350,000.00 at P250,000.00 ang mapupunta sa papangatlo at papang-apat. (AT)

 

Show comments