V-League title kukunin ng Lady Tams

LARO NGAYON

(The Arena, San Juan City)

12:45 p.m. UST vs Adamson

(best-of-three, 3rd)

2:45 p.m. FEU vs NU (best-of-three, Finals)

 

 

MANILA, Philippines - Kakapitan ng Far Eas­tern University ang determinasyong mahawakan ang kauna-unahang titulo sa Shakey’s V-League sa pagharap muli sa Na­tional University sa Game Two ng Season 11 First Conference Finals nga­yon sa The Arena sa San Juan.

Sa ganap na alas-2:45 ng hapon matutunghayan ang tagisan at balak ng La­dy Bulldogs na maitabla ang best-of-three series pa­ra manatiling buhay ang planong maidepensa ang titulong pinagwagian no­ong nakaraang taon.

Mauunang maglalaban ang Adamson Uni­ver­­sity at University of Sto. Tomas sa ganap na alas-12:45 ng hapon at nais ng una na maulit ang 25-17, 25-23, 18-25, 25-19 panalo sa huli sa unang pagkikita para sa ikatlong puwesto.

Ang dalawang laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s ay mapapanood din ng live sa GMA News TV.

Sa pangunguna ni Ra­chel Ann Daquis na mayroong 11 kills, 5 aces at 3 blocks, naiuwi ng Lady Tamaraws ang 26-24, 26-24, 25-22 straight sets win sa Lady Bulldogs no­ong nakaraang Linggo pa­ra mag­karoon ng dalawang tsansa na makamit ang kanilang kauna-una­hang titulo sa ligang may ayuda ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.

“Underdog pa rin ka­mi sa series na ito. Nanalo kami sa unang game pero hindi garantiya ito na amin na ang titulo. Kai­la­ngang higitan namin ang ipinakitang laro para gu­manda ang tsansang ma­nalo,” wika ni FEU coach Shaq delos Santos.

Bukod kay Daquis ay sasandalan din ng La­dy Tamaraws ang ga­ling nina Jovelyn Gonza­ga, Bernadette Pons, Ma­ry Joy Palma, Yna Pa­pa, Geneveve Casugod at Christine Ag­no upang ma­kaiwas sa de­ciding Game Three na paglalaba­nan sa Hunyo 1.

Ang championship ex­perience ng Lady Bulldogs ang ilalabas ng mga ito para manatiling buhay ang tangkang matagum­pay na pagdepensa sa hawak na titulo.

“Mag-a-adjust kami sa depensa. Pero kaila­ngang lumabas din ang la­ro ng mga spikers namin,” wika ni NU coach Ariel dela Cruz.

Naungusan ng FEU ang NU sa attack points, 41-37, bukod pa sa service aces, 7-4, para mai­san­tabi ang 7-6 kalama­ngan sa blocks.

Si Dindin Santiago ang mangunguna sa NU pe­ro dapat na gumanda rin ang laro ng ibang ka­samahan tulad ng kapatid na si Jaja Santiago, Myla Pablo at Carmin Aganon.

 

Show comments