NEW YORK -- Patuloy ang suwerte ng Cleveland Cavaliers sa lottery.
Nakamit ng Cavaliers ang No. 1 pick sa NBA draft para sa ikalawang sunod na taon at ikatlo sa nakaraang apat na drafting.
Umakyat sila sa ninth spot matapos magkaroon ng 1.7 porsiyentong pag-asang makuha ang top selection.
“It seems surreal,’’ sabi ni Cavs vice chairman Jeff Cohen. “This is three out of four years and we had a 1.7 percent chance of coming up with the first pick and we pulled it off again.’’
Hinirang ng Cleveland si Kyrie Irving bilang No. 1 pick noong 2011 at umaasang magiging maganda ang kanilang kampanya.
Hindi naman nila napakinabangan si Anthony Bennett sa rookie season nito.
Si Nick Gilbert, ang anak ni Cleveland owner Dan Gilbert, ay nasa podium sa nakaraang dalawang draft, ngunit ngayon ay si general manager David Griffin ang umakyat.
Maaari nang pumili ang Cavs sa mga kagaya nina Andrew Wiggins at Joel Embiid ng Kansas at Jabari Parker ng Duke.
“This means everything,’’ ani Cohen. “This is the deepest draft arguably since LeBron (James) and Dwyane Wade and Chris Bosh and Carmelo Anthony came out.’’
Nakamit ng Cavs ang top pick noong 2003 na kanilang ginamit kay LeBron James.
Ang Milwaukee Bucks ang ikalawang pipili kasunod ang Philadelphia 76ers.