MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng Blackwater Sports Elite ang pagiging isang nagdedepensang kampeon nang umabante na ito sa semifinals sa 89-69 pagdurog sa Cafe France Bakers sa PBA D-League Foundation Cup quarterfinals kahapon sa Meralco Gym sa Ortigas Ave., Pasig City.
Hindi naman pumayag ang Big Chill Superchar-gers na matapos na ang kampanya nang hiritan ng 72-64 panalo ang Cebuana Lhuillier Gems sa ikalawang laro.
May 22 puntos si Janus Lozada habang ibinagsak ni Brian Heruela ang walo sa 19 puntos sa huling yugto para maitakda ang sudden death para sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four.
Isang 9-0 run ang itinugod ng Superchargers matapos ang huling tabla sa 25-all at hindi na nila binitiwan ang momentum ng laro mula rito.
Ito ang ikaapat na sunod na pagkatalo ng Gems na nanatiling palaban pa sa titulo dahil sa bitbit na twice-to-beat advantage.
Si Jericho Cruz ay mayroong 24 puntos, si Gilbert Bulawan ay may17 at sina Reil Cervantes at Allan Mangahas ay naghatid pa ng 14 at 11 para sa balanseng pag-atake na ginamit ng Elite.
Mula sa l9-16 kalamangan sa first period ay nagpakawala ang Elite ng 17-6 bomba, na pinagningas ng dalawang 3-pointers ni Mangahas, upang iwanan ang Bakers, 36-22.
“We kept on reminding our players that we can’t take them lightly. Credit to them, they were really focused and played on the same page. We showed disciplined basketball,†wika ni Isaac.
Makakaharap ng Elite ang Jumbo Plastic Giants sa best-of-three semifinals na sisimulan sa Huwebes.
Dumiretso na sa Final Four ang Giants kasama ang NLEX Road Warriors matapos angkinin ang unang dalawang puwesto matapos ang elimination round.