NEW YORK -- Tinalakay ng mga NBA owners ang naunang panayam ng CNN kay Donald Sterling at ang planong pagtatanggal sa kanyang pagmamay-ari sa Los Angeles Clippers sa ikatlong pagpupulong ng advisory/finance committee.
Isang araw matapos ulitin ni Commissioner Adam Silver ang kanyang kagustuhang pilitin si Sterling na ibenta ang Clippers ay nagkausap naman ang komite via conference call.
Sinabi ni league spokesman Mike Bass na nirebisa ng mga team owners ang estado ng terminasyon ng pagmamay-ari ni Sterling sa Clippers.
Kailangang pormal na magsampa si Silver o ang sinumang team owner ng reklamo laban kay Sterling ukol sa paglabag sa Article 13 ng NBA constitution.
Isang pagdinig ang itatakda at mangangailangan ng three-fourths vote ng board of governors para pu-wersahin si Sterling na ibenta ang koponan na kanyang hinawakan sapul noong 1981.
Tinuligsa ni Sterling si Magic Johnson sa isang panayam na isinaere noong Lunes, ang kanyang unang public comments matapos siyang patawan ni Silver ng lifetime ban at multahan ng $2.5 milyon dahil sa kanyang racist comments.
Idinagdag ni Bass na tinalakay din ng komite ang media appearance ni Shelly Sterling na nagsabing gusto niyang mapanatili ang bahagi niya sa prangkisa kahit na mapilitang isuko ng kanyang asawa ang bahagi nito.