MANILA, Philippines - Nakabuti ang pagbabalik ng hineteng si NK Ca-lingasan sa ibabaw ng Square Deal nang manalo ang kabayo sa Philracom Summer Racing Festival noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa 1,300-metro distansya isinagawa ang karera at nakabuti ang pagkakalagay ng Square Deal sa pinakalabas upang pagbungad ng rekta ay nakauna ito sa pulutong ng mga dumarating na kabayo.
Halos tatlong dipa ang agwat ng nanalong kabayo sa pumangalawang Dinagyang para lumabas bilang pinakadehadong nanalo sa huling araw ng karera na ginawa sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Hindi napaboran ang Square Deal dahil hindi kinakitaan ng kinang ang kabayo sa tatlong takbo mula Pebrero.
Ang coupled entries na Top Prize at Alimentador ang siyang napaboran sa siyam na kabayong karera na kinakitaan ng dalawang coupled entries, ngunit hindi tumimbang ang mga ito.
Halagang P64.50 ang ipinasok ng win habang ang 5-3 forecast ay may P863.50 na ipinamahagi.
Bago ito ay nagpasikat din ang mga dehadong kabayo na Super Elegant ni IA Aguila at Sharp Cookie ni JB Cordova sa races four at five para mapasaya ang mga dehadista.
Sa 1,200-metro sumabak ang Super Elegant at nanumbalik sa pagpapanalo ang nasabing kabayo nang manaig sa Katmae sa isang NPJAI-Philracom race.
Ikalawang sunod na pagdiskarte ito ni Aguila sa Super Elegant at nakabawi siya matapos ang pangatlong puwestong pagtatapos noong Abril 30 na pumutol sa magkasunod na panalo sa pagrenda ni JD Juco.
May P51.00 ang ibinigay sa win habang P284.50 ang ipinasok sa 10-6 forecast.
Kondisyon din ang Sharp Cookie na nalagay sa dalawang pang-sampung puwestong pagtatapos sa hu-ling mga nilahukang karera noong Abril sa pagdadala ni AM Basilio.
Maganda ang tugon ng Sharp Cookie sa ipinagawa ni Cordova para manalo sa hamon ng Worth The Wait ni Dominador Borbe Jr. at siyang patok sa pitong nagsukatan.
May P54.50 dibidendo ang Sharp Cookie habang P147.00 ang ibinigay sa 6-4 forecast.
Pinangatawanan naman ng Jade And Diamond ang pagiging outstanding favorite sa 1,100-metro karera nang kunin ang kumbinsidong panalo sa karerang sinalihan ng pitong kabayo.
Ikalawang panalo ito ng kabayong sakay ni JB Guerra sa buwan ng Mayo at ikaapat sa pangkalahatan para makapagbigay ng P6.50 sa win.
Pumangalawa ang Swim Event upang magkaroon ng P49.00 ang 5-6 forecast.