SANTA CRUZ, Laguna , Philippines – Magkakasunod na bumura ng mga record sina swimmer Imee Joyce Saavedra at sprinter Jomar Udtohan ng National Capital Region sa 57th Palarong Pambansa kahapon dito sa Laguna Sports Complex.
Nagtala ang 12-anyos na si Saavedra ng bagong markang 4:51.83 sa elementary girls’ 400-meter freestyle para burahin ang 2010 record na 4:54.55 ni Catherine Bondad ng Region IV-A.
Nauna nang binasag ni Saavedra ang mga Pala-rong Pambansa mark sa 200m freestyle (2:16.72) at sa 100m freestyle (1:03.46).
Nagbigay din ng ginto para sa NCR sina Emilio Jose Viovicente sa elementary boys’ 400m freestyle (4:42.10), Andrew Buchanan Gibson sa boys’ 50m backstroke (31.19), Philip Joaquin Santos sa boys’ 100m butterfly (1:06.54), Maurice Sacho Illustre sa secondary boys’ 800m freestyle (8:59.30), Precilla Loren Aquino sa girls’ 800m freestyle (9:59.92) at Claire Anne Galang sa girls’ 200 backstroke (2:30.17).
Binura naman ng 17-anyos na si Udtohan ang 1997 record na 49.4 segundo ni Rene Boy Tanuan ng Southern Tagalog para sa bago niyang oras na 48.7 segundo sa secondary boys’ 400m run.
“Sana makuha ko din ‘yung gold medal sa 200 meter. Talagang pipilitin kong manalo para makatatlong golds ako,†wika ni Udtohan, nagtapos ng high school sa San Sebastian.
Kamakalawa ay binura ni Udtohan ang 1998 record na 10.9 segundo ni Roland Calaunan ng Central Visayas para sa bago niyang bilis na 10.8 segundo sa 100m dash.
Bumasag din ng Palarong Pambansa record si Alexis Soqueno ng Western Visayas sa secondary boys’ high jump nang ilista ang kanyang 1.92m para tabunan ang 2002 record na 1.90m record ni Paulo Martinez ng Southern Tagalog.
Sa arnis, siyam sa kabuuang 29 gold medals ang sinungkit ng CARAA, kasama dito ang tatlo ni Eza Rai Yalong at tig-dalawa nina Joemarson Rey Abodadi at Shaira Jane Salimbay.