MANILA, Philippines - Gagamitin ng mga sports officials ng bansa ang isasagawang Walk A Mile sa Mayo 11 para maipakilala na rin sa publiko ang mga Pambansang manlalaro na ipadadala sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Ang kaganapang ito na itinutulak ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC), ay bilang suporta sa pagnanais ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) na palawigin ang interes sa kompetisyon sa mga kasa-ling bansa.
Mangunguna sina PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. sa mga sports officials ng bansa na lalakarin ang may 1.6-kilometrong ruta mula sa tapat ng Rajah Sulayman Park sa Roxas Boulevard hanggang sa harapan ng bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta Park.
Inimbitahan din para maging panauhin si Bise Presidente at pangulo ng Philippine Badminton Association (PBA) Jejomar Binay ngunit wala pang opisyal na tugon ang kanyang tanggapan hinggil rito.
Ayon kay Garcia, ang mga atletang nasama sa 133 bilang na ipadadala ay dadalo rin sa kaganapan.
“Ang mga atleta lalo na ‘yung mga nakapasa na sa Asian Games ay sasama at umaasa kami na makakakuha rin sila ng interes para suportahan ng ating mga kababayan sa paglaro nila sa Incheon,†wika ni Garcia.
May apat pang opis-yales ng Olympic Council of Asia at tatlo mula sa IAGOC ang tutungo sa bansa para makiisa sa seremonya.
Idinagdag pa ni Garcia na may ibibigay na financial assistance ang IAGOC at may dala ring caps at t-shirts na bibilang ng 800 piraso para ipamigay sa mga magsisidalo.
Si Dr. Lauro Domingo Jr. kasama si Norberto Dinglasan ang siyang nangunguna sa preparas-yon ng Walk A Mile at kanyang sinabi na may maigsing seremonya sa Rajah Sulayman bago simulan ang paglalakad.
Ang Pilipinas ay sasali sa 26 sports mula sa 36 na paglalabanan at ang 133 bilang ng manlalaro ay puwede pang madagdagan dahil ang pagpapatala ng manlalaro ay gagawin hanggang Agosto 15.
Ang Asian Games ay mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 at hanap ng ipadadalang Pambansang delegasyon ang mahigitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze medals na napanalunan ng koponan sa 2010 Guangzhou China. (AT)