Simula ng bagong kabanata ng Palarong Pambansa

MANILA, Philippines - Sa pagsisimula ng Palarong Pambansa bukas ay ang pagbubukas ng bagong kabanata sa pagsilip sa mga ituturing na pambatong manlalaro ng Pilipinas sa malala-king kompetisyon sa labas ng bansa.

Ipinagmamalaki ng Palaro na sa ligang ito nagmumula ang mga atletang nagbibigay ng karangalan sa tampok na kompetisyon tulad ng South East Asian Games, Asian Games at Olympics.

Hindi na mabilang ang mga naging bayani sa palakasan na nagsimula sa kompetisyong ito na bukas para sa mag-aaral sa elementary at secondary levels at itataguyod sa pagkakataong ito ng lalawigan ng Laguna sa ilalim ng pamamahala ni Governor ER Ejercito.

Nangunguna na rito ang mga tini-tingala sa athletics na sina Lydia De Vega-Mercado at Elma Muros-Posadas sa athletics, Eric Buhain at Susan Papa sa swimming, Grandmasters Eugene Torre at Wesley So sa chess, Joan Chan sa archery, Dyan Castillejo sa tennis, Violito Payla at one-time world boxing light flyweight challenger Jether Oliva.

Hindi rin kinukulang sa drama ang aksyon taun-taon sa Palaro na siyang nagdaragdag kinang sa mahigpitang tagisan ng mga atleta mula sa 17 rehiyon ng bansa.

“Marami at makulay ang mga nagdaang Palarong Pambansa at nakikita namin na mas magiging maganda ang kompetisyon sa taong ito dahil sa kalidad ng mga maglalaro at ang husay bilang punong abala ng Laguna,” wika ni DepEd assistant secretary Tonisito Umali.

May 17 sports ang paglalabanan sa high school habang 16 sa elementary division. Apat ang demonstration sports at ito ay ang futsal, billiards, wrestling at wushu na itinulak ng Phi-lippine Sports Commission dahil ang mga larong ito ay nakakapaghatid ng medalya sa malalaking kompetisyon sa labas ng bansa.

Ginastusan ng DepEd ang 57th edisyon ng Palarong Pambansa ng P144,310,000.00 mula sa P210,195,000,00 kabuuang budget, ang National Capital Region ang siyang maghahangad na maidepensa ang  titulo sa dalawang dibisyon habang ang host Calabarzon at Western Visayas ang siyang mga inaasahang makakaribal nito.

Pormal na binigyan ng pagkilala ni Ejercito ang mga kalahok na atleta at opisyales ng 17 rehiyon kagabi sa isinagawang Governor’s Night sa multi-purpose gym sa Laguna Sports Complex.

 

Show comments