MANILA, Philippines - Hindi dapat pagtakhan kung bakit determinado si Mark Galedo na maipakita ang angking husay sa pagbibisikleta sa katatapos na Le Tour de Filipinas.
Sa pagbisita ni Galedo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon, sinabi niya na bukod sa pagbangon mula sa masamang pagtatapos sa isang local tour ay isa pang nagpasiklab sa damdamin na magpasikat ay ang hangaring mapatunayan na siya ngayon ang pinakamahusay na siklista ng Pilipinas.
Nakuha ni Galedo ang pagiging pinakamahusay na local cyclist matapos manalo ng gintong medalya sa 2013 Myanmar SEA Games sa 50-kilometer Individual Time Trial.
Nanalo man ay hindi pa rin tiyak ang kanyang pagsama sa Asian Games sa Incheon, Korea kaya’t minabuti niyang gamitin ang LTdF para ipakita ang kakayahan.
“Noong nanalo ako ng gold sa SEA Games ay sinabi na kasama na ako sa Asian Games. Pero bago ang Le Tour, narinig ko rin na isa ito sa mga qualifying para sa natio-nal team kaya sinikap ko talaga na maging number one rito para maipakita na karapat-dapat ako na ipadala sa Asian Games,†pahayag ni Galedo.
Lalabas si Galedo na dala ang 7-Eleven Road Bike Philippines bilang ikalawang Filipino cyclists na nanalo hindi lamang sa Le Tour de Filipinas kung hindi sa isang UCI sanctioned race.
“Kahit four days lamang ang karera ay hindi ito madali dahil mga international riders ang kalaban mo. Sila ang mga number one o two sa kanilang bansa kaya hindi basta-basta ang karera rito,†paliwanag pa nito.
Hindi rin sinolo ni Galedo ang pagkapanalo at tinuran na malaki ang tulong ng mga kakampi dahil sinuportahan siya ng mga ito at sumunod sa plano ng koponan.
Sa ngayon ay pahinga muna si Galedo pero sa susunod na araw ay magbabalik ng ensayo upang paghandaan ang pagsali sa Pedal to Meadow sa Hawaii sa Mayo 25. (AT)