MANILA, Philippines - Kuminang din ang takbo ng Empire Princess nang manalo sa isang Philracom Summer Racing Festival noong Sabado sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Ang apprentice jockey na si SD Carmona ang dumiskarte sa Empire Princess na nagtala ng banderang-tapos sa 1,200-metro karera.
Sinikap ng Sea Master ni RF Torres na sabayan ang malakas na pag-arangkada ng nanalong kabayo pero naubos din ito pagsapit sa rekta at kinapos ng halos apat na dipa.
Ang panalo ng Empire Princess ay nagresulta para maipagkaloob sa connections ang P25,000.00 na ibinigay ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa nanalong kabayo.
Nagdiwang din ang karerista na pumanig sa Empire Princess dahil may P74.00 ang ibinigay sa win habang ang 3-7 forecast ay may P106.00 dibidendo.
Apat na iba pang karera ang idineklarang Summer Racing Festival at ang mga nanalo rito ay ang Che And Ryan, Strong Champion, Poetic Justice at Tribal Wit.
Si Jessie Guce ang dumiskarte sa Che And Ryan sa karerang nilahukan ng 13 kabayo at kumamada ang tambalan pagpasok sa likod.
Mula rito ay napanatili ng Che And Ryan ang layo sa mga naghahabol at ang Mywifedoesntknow ang siyang nalagay sa ikalawang puwesto, halos dalawang dipa matapos tumawid ang nanalong kabayo.
Wala namang nakasabay sa Strong Champion nang ilabas ang ayre nito sa far turn upang manalo kahit naunang nalagay sa ikaapat na puwesto.
Si Guce rin ang hinete ng Strong Champion at iniwan ng tambalan ng halos apat na dipa ang pumangalawang Consolidator ni JD Juco sa karerang pinaglabanan sa 1,400-metro.
Sina EM Raquel at JPA Guce ang mga hinete sa Poetic Justice at Tribal Wit na tinalo ang El Rey Leon at Dream Of All.
Nagdaos din ng dalawang karera na sinahugan ng tig-P10,000.00 para sa nanalo at ang Fly Me To The Moon ni KE Malapira at Palos ni RC Baldonido ang mga nagwagi.