MANILA, Philippines - Nagpasikat ang train-er na si RP La Rosa matapos lumabas bilang numero uno sa paramihan ng panalong naiposte matapos ang unang tatlong buwan sa taong 2014.
Ang mga kabayong sinasanay ni La Rosa ay nakapagtala na ng 37 panalo para manguna sa hanay ng mga trainers.
Angat siya ng dalawang panalo kay Dave dela Cruz na mayroong 35 panalo sa 325 takbo habang sina Ruben Tupas at Conrado Vicente ay may tig-31 panalo sa 275 at 251 beses na pagtakbo ng mga kabayong sinanay nila.
May 28 segundo pa si La Rosa at 13 ang tumapos sa ikatlong puwesto upang magkaroon ng magandang winning average dahil ang trainer ay nasa ikaanim na puwesto lamang kung paramihan ng kabayong kumarera na ang pag-uusapan.
Si Dela Cruz na siyang nangunguna sa kitaan ng trainers matapos ang buwan ng Pebrero ay mayroon pang 36 segundo at 40 tersero puwestong pagtatapos. Inaasahang mangunguna pa rin ito sa kitaan hanggang sa buwan ng Marso.
Ang makailang-ulit na Trainer of the Year na si Tupas ay may 40 segundo at 30 tersero puwestong pagtapos habang may 38 at 25 pangalawa at pangatlong puwestong pagtatapos si Vicente.
Si Danilo Sordan ang nasa ikalimang puwesto tangan ang 26 panalo, 19 segundo at 15 tersero puwestong pagtatapos mula sa 204 beses na pagtakbo ng mga alagang kabayo.
Sina JC Pabilic, Rey Henson, RR Yamco, ES Roxas at RC Hipolito ang kukumpleto sa mga trainers sa unang sampung puwesto.
Kabuuang 157 beses tumakbo ang mga kabayo ni Pabilic para sa 22 panalo, 25 segundo at 16 terserong pagtatapos habang si Henson ay may 22-24-10 sa 164 takbo, si Yamco ay may 22-15-28 sa 196 takbo, si Roxas ay may 22-8-16 sa 88 takbo at si Hipolito ay may 20-14-5 sa 85 takbo.