MANILA, Philippines - Bumalik na si Minnesota Timberwolves forward Dante Cunningham nitong Sabado, dalawang araw matapos siyang arestuhin dahil sa kasong domestic assault nang diumano’y sakalin nito ang kanyang girlfriend nang sila ay nag-aaway.
Pinakawalan si Cunningham mula sa kulungan nitong Biyernes at lumipad patungong Orlando, Flo-rida nitong Sabado ng umaga kung saan nakatakdang harapin ng Timberwolves ang Magic.
Hindi maaaring disiplinahin si Cunningham ng liga gayundin ng Timberwolves sa ilalim ng kasunduan sa collective bargaining agreement. Kailangang maghintay ang liga na makumpleto na ang detalye bago magpataw ng karampatang parusa.
Sinabi ng Wolves nitong Huwebes matapos maaresto si Cunningham na nag-iimbestiga pa sila at isa itong seryosong bagay na hindi nila maaaring balewalain.
Hindi puwedeng i-deactivate ng Wolves si Cunningham dahil ito ay lalabas na isang uri ng pagdidisiplina na maaa-ring magbigay ng dahilan sa NBA Players’ Association na magreklamo.
May reklamo nang isinampa sa Hennepin County District Court at nakasaad dito na sinabi ng kanyang girlfriend sa mga pulis na nag-away sila noong Huwebes ng umaga sa kanilang bahay sa Minneapolis.
Ayon pa sa babae na hindi pa ibinubunyag ang pangalan, sinipa ni Cunningham ang naka-lock na pinto at sinakal siya at isinalya sa dingding hanggang sa hindi na siya makahinga.