Philracom-OTBSAPI Trophy race kakaibang takbo ang ipinakita ng Yona

MANILA, Philippines - Makinang na takbo ang naipakita ng kabayong Yona sa pagdadala ni jockey Jessie B. Guce para hiranging kampeon sa Philracom-OTBSAPI Trophy race noong Linggo sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.

Ang kabayo na pag-aari ni Michael Dragon Javier ay nakitaan ng malakas na panimula bago naisantabi ang ma-lakas na pagdating ng Wow Pogi upang makuha ang panalo sa karera na ang kinita ay ibinigay sa Marie Liana Torres Lazo Foundation, Inc.

Sa 1,600-metro ang distansya ng karera at naorasan ang Yona na may lahing Sogno Dolce at Zap, ng 1:50.8 sa kuwartos na 28’, 26’, 26 at 29’.

Ang karerang ito na isang Philracom sponsored charity/benefit race ay bukas lamang para sa mga kabayong hindi pa nakakasali sa mga Philracom stakes races  at PCSO stakes.

Nahigitan ng Yona ang pangala-wang puwestong pagtatapos noong Marso 22 at nakuha ng tambalan para sa winning connections ang gantimpala na P180,000.00 na para lamang sa nanalong kabayo.

Ang coupled entries na Quick Hunter (P Dilema) at Limit Less (JB Hernandez) ang siyang napaboran sa walong kabayo na naglaban ngunit naubos ang dalawa sa malakas na pace na itinakda ng Yona sa unang mga yugto ng labanan upang malagay sa huling dalawang puwesto sa datingan.

Dehado pa ang tatlong taong gulang na filly kaya naghatid ng P30.00 ang win ng Yona habang ang 3-2 forecast ay namahagi ng P209.50.

Nakitaan din ng ibayong gilas ang Speed Maker para lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa gabi.

Sa maigsing distansya na 1,000-metro inilagay ang karera at humataw ang Speed Maker na sakay ni Dar de Ocampo sa rekta para agawin ang unahan sa napaborang All Exist.

May tiyempong 103.8 ang Speed Maker, kumabig ang mga nanalig sa husay ng kabayo na hindi tumimbang sa unang tatlong takbo sa buwan ng Marso, ng  P65.00 habang ang 3-5 forecast ay nagpasok ng P367.00 dibidendo.

Dominado ng mga dehadong kabayo ang resulta ng karera lalo na mula sa race eight pababa dahilan upang may isang mananaya na tumama ng mahigit isang milyon piso.

Sa ikatlong WTA naganap ito ay pinalad ang mananaya na nakuha ang kumbinasyon na 1-2-4-2-5-3-9 para maiuwi ang dibidendong P1,292,178.80.

 

Show comments