MANILA, Philippines - Hindi na magtatagal at magkakaroon uli ng permanenteng pagsasanayan ang national athletics team.
Sinimulan na ang pagkakabit ng makabagong rubberized track oval sa Philsports athletics venue sa Pasig City na siyang ginawa ng Philippine Sports Commission bilang pamalit sa Rizal Memorial Track Oval.
Ang dating pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex ay ginawa na bilang football stadium at kinukumpuni ang field nito para maging all-weather surface.
Ayon kay PSC commissioner Jolly Gomez na siyang namamahala sa athletics, ang EPDM track surface na ginamit sa London Olympics ang siyang binili ng PSC para ikabit sa Philsports oval upang matiyak na maayos ang lugar na pagsasanayan ng pambansang atleta sa athletics.
“Philsports will now be the official training venue of athletes. There will be no more football activities here in Philsports and it will be transferred to Rizal Memorial Complex,†wika ni Gomez.
Halos isang taon din na nagpalipat-lipat ng lugar na mapagsasanayan ang national track team dahil sa pagbabagong ginawa sa Rizal oval.
Nagkaganito man ay hindi pa rin napigil ang paghahatid ng karangalan ng manlalaro ng PATAFA sa idinaos na Myanmar SEA Games noong 2013 dahil ang NSA ang siyang lumabas bilang pinakaproduktibo sa mga sports associations na sumali sa naiambag na anim na gintong medalya.