MANILA, Philippines - Isang mas malaki at mas magandang season ng Philippine Superliga ang hahataw sa Mayo 10 sa pamamagitan ng All-Filipino Conference.
Ito ang unang pagkakataon na magdaraos ang PSL, inorganisa ng SportsCore (Score) sa pangunguna ng presidente nitong si Ramon ‘Tat’s Suzara, ng isang All-Filipino Conference.
Muling tutulong ang PLDT-MyDSL sa pagtataguyod ng PSL na humihikayat ng mas maraming koponan para sa dalawang komperensya ngayong season.
Magsasagawa din ang PSL ng kauna-unahan nitong drafting sa Abril 2 kung saan pipili ang mga koponan ng kanilang mga bagong players at ang mga hindi kasama sa protected lists ngunit nasa kanila pang magandang porma.
Dalawang television networks -- ang Solar Sports at ang TV-5 -- ang nagkasundo sa paghahati sa television coverage ng Superliga.
Sa paglulunsad nito noong nakaraang taon, nagdaos ang PSL ng isang Invitational Tournament para sa mga babaeng players.
Ang PSL ang tanging club league sa Pilipinas na kinikilala ng International at Asian volleyball confederations.
Matapos ang matagumpay na Invitational meet, ipinakikilala ng Score ang men’s tournament -- ang PSL Grand Prix.
Nagreyna ang Philippine Army Lady Troopers sa women’s Invitational at Grand prix, habang ang PLDT-My-DSL Speed Boosters ang kumuha sa men’s Grand Prix title.
Ang nasabing men’s tournament ang nagpasinaya sa pagpapalakas sa National men’s team ng bagong tatag na Philippine Volleyball Federation (PVF), pamamahalaan ang Asian Men’s Club Championship na inihahandog ng PLDT HOME Fibr sa Abril 8-16 sa MOA Arena at sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang AMCC ay lalahukan ng 18 koponan sa pangunguna ng Iran.
“While we have set targets, I think we have achieved more than what we have aimed for in our debut. The PSL served as an instrument in the reformation of the national teams for men and women, and we hope to continue being of service to the country by aiming to raise the level of play in our tournaments,†sabi ni Suzara.