Ateneo, NU buwenamano sa V-League

MANILA, Philippines - Gumana kaagad ang mga manlalarong nagbigay ng kauna-unahang ti­tulo sa Ateneo sa UAAP upang madagit ng kopo­nan ang unang panalo sa Shakey’s V-League Season 11 sa pamamagitan ng 25-19, 18-25, 25-23, 26-24 panalo kontra sa Adamson kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Si Alyssa Valdez ay hu­mataw ng 19 kills patu­ngo sa nangungunang 23 puntos.

Sina Michelle Moren­te at Amy Ahomiro ay nagsanib sa pinagsama nilang 30 puntos para tulungan ang Lady Eagles na maiposte ang 1-0 karta sa Group A sa 12-kopo­nang torneo na inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

May pitong service aces at apat na blocks si Ahomiro upang bigyan ang Ateneo ng 13-8 at 11-4 bentahe sa departamento laban sa Lady Fal­cons na  nakatulong sa nakuhang tagumpay.

Ang Lady Eagles setter Julia Morado ay mayroong 37 excellent sets, habang ang liberong si Dennise Lazaro ay may 19 receptions at walong digs.

Sina guest players Pau Soriano at Thai Pacharee Sangmuang ay may 19 at 17 puntos, samantalang si Shiela Pineda ay naghatid ng 16 para sa natalong ko­ponan.

Naging mabangis din ang pag­sisimula ng Na­tional University sa pagdedepensa sa hawak na titulo matapos ilampaso ang NCAA titlist na Perpetual Help, 25-20, 25-14, 25-15.

Nagbigay ng 10 puntos at dalawang digs si Myla Pablo para may makatuwang si Dindin Santiago sa Lady Bulldogs.

Tumapos ang 6-foot-2 na si Santiago bitbit ang 12 puntos.

Ang agresibong atake at matibay na depensa ng NU ang hindi kinayang tapatan ng Perpetual.

Si Honey Joy Tubino ay tumapos taglay ang 16 puntos ngunit wala ng iba pang Lady Altas ang nasa doble-pigura upang kula­ngin siya ng suportada.

 

Show comments