Sabillo inagawan ng WBO title ni Rodriguez

MANILA, Philippines - Natanggal sa hanay ng mga world champion ng ban­sa si Merlito Sabillo nang maisuko niya ang suot na WBO mi­nimumweight title sa pamamagitan ng tenth-round TKO loss sa mas determinadong si Francisco Rodriquez ng Mexico kahapon sa Arena Monterrey, Mexico.

Bitbit ang mainit na suporta ng mga kababayan, hin­di nilubayan ni Francisco si Sabillo mula nang tu­mu­nog ang opening bell para hindi makadiskarte ang dating kampeon.

Muntik pang matapos ang laban sa first round nang dalawang beses na tumumba ang 30-anyos na tu­bong Toboso, Negros Occidental na si Sabillo dahil sa matitinding kanan ni Rodriguez.

Umabot sa 10 rounds ang labanan pero tunay na na­hirapan si Sabillo sa tila walang kapaguran na pag-atake ni Rodriguez.

May 1:50 pa sa orasan sa nasabing round nang itigil ni referee Eddie Claudio ang bakbakan matapos mai­pit si Sabillo ni Rodriguez at hindi na nakakaganti sa matitinding pagbayo ng Mexican boxer.

Ito ang kauna-unahang pagkatalo ni Sabillo matapos ang 25 laban, ngunit nangyari ito matapos ang split draw decision kay Carlos Buitrago ng Nicaragua no­ong Nobyembre 30 sa Smart Araneta Coliseum.

Marami ang nagsabi na nawala lamang sa kondis­yon si Sabillo sa tagisan nila ni Buitrago pero lumabas na tunay na bumaba ang estado nito sa nangyaring ka­biguan.

Ang panalo ng 20-anyos na si Rodriquez at No. 9 sa WBO ay kanyang ika-14 sa 16 laban.

Sina Donnie Nietes at John Riel Casimero na lamang ang mga world champions ng Pilipinas sa WBO at IBF light flyweight divisions.

 

Show comments