15-teams mag-uunahan sa Le Tour de Filipinas

MANILA, Philippines - Kabuuang $16,540 o P744,300 ang nakataya para sa ikalimang edisyon ng Le Tour de Filipinas na lalahukan ng 15 koponan, ang dalawa dito ay mga Filipino teams at pakakawalan sa Abril 21-24.

Ang dalawang Philippine squads na makiki-pagsabayan sa 13 foreign teams ay ang 7-Eleven Road Bike Cycling Team at ang Philippine Navy Standard Insurance Cycling Team.

Sinabi nina PhilCycling chairman at cycling godfather Bert Lina, Le Tour organizer Jerry Jara at PhilCycling president Bambol Tolentino na ang mga mi-yembro ng 7-Eleven at PN-Standard ay ang “cream of the crop of Phl cycling.”

“As always we’re very hopeful na manalo ang ating two teams; lahat tayo ipinagdarasal na sila ang manalo sa event,” wika ni Lina kahapon sa press conference sa Manila Hotel. “At saka dapat manalo sila kasi teritoryo natin ito, di ba? ”

Ang mga bansang kasali sa four-stage, 616-km race ay ang Australia (Stalyst Giant Racing Team), Brunei (CCN Cycling Team), Indonesia (Pegasus Continental Team), Iran (TSR Continental), Ireland (Polygon Sweet Nice), Japan (Asian Racing Team at Team Ukyo), Kazakhstan (Track Team Astana at Kazakhstan National Team), Malaysia (Terangganu Pro Asia Cycling Team), Mongolia (Attila Cycling Club), Singapore (OCBC Singapore Continental Cycling Team) at ang UAE (UAE Cycling Team).

Si David McCann ng Giant Asia Racing Team ng Ireland ang unang nagkampeon sa Le Tour noong 2010 kasunod sina Rahim Emami ng Azad University ng Iran (2011), Filipino Baler Ravina ng Go21 Cycling Team (2012) at Ghader Mizbani ng Tabriz Petrochemical Team ng Iran (2013).

Sina Ravina, ang unang Filipino cyclist na nanalo sa isang UCI race at Mark Galedo ang babandera sa 7-Eleven Roadbike team, habang sina Lucien Lloyd Reynante at Santi Barnachea ang mamumuno sa PN-Standard squad.

Mula sa tradisyunal na pagsisimula sa Northern Luzon, ang 2014 Le Tour ay bababa sa Central Luzon para sa kickoff leg kung saan sisimulan ng 80 siklista ang kanilang pagpadyak sa Clark sa Pampanga sa isang 153-Km ride patu-ngong Olongapo City.

Ang Stage 2 ay magtatampok sa “Triple X Stage” na 147-km ride buhat sa Olongapo hanggang sa Cabanatuan na dadaan sa kalsada ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), North Luzon Expressway (NLEX) at sa bagong Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX). (RCadayona)

Show comments