La Salle nabigong kunin ang ‘four-peat’: Kampeon ang Ateneo

MANILA, Philippines - Nakatakas na ang Ateneo sa hawlang pinaglagyan sa kanila ng La Salle sa huling dalawang taon sa UAAP women’s volleyball tournament.

Nagpakawala ng solidong laro ang team captain na si Alyssa Valdez at nagbigay ng suporta ang kanyang mga kakampi para ihatid ang Lady Eagles sa 25-23, 26-24, 25-21 panalo sa dating three-time defending champion na Lady Spikers sa harap ng kabuuang 21,314 manonood kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito ang kauna-unahang titulo ng Ateneo sa wo­men’s volleyball tournament ng UAAP.

“Nothing to lose kami so nag-enjoy lang kami sa game. Hindi pressure ang naramdaman namin,” wika ni Valdez, ang regular season MVP na siya ring hinirang na Finals MVP matapos ang 21 puntos sa deci­ding game.

Ang Lady Eagles ang kauna-unahang koponan din na bumangon mula sa isang ‘thrice-to-beat’ deficit sa torneo at unang No. 3 team na nanalo ng kampeonato sa huling mga edisyon ng liga.

Bagama’t si Valdez, may 18 kills, 2 aces at 1 block,  ang pandiin ng Ateneo, hindi naman niya sinolo ang paggapi sa La Salle dahil naroroon din sina Michelle Kathereen Morente, Jorella Marie De Jesus, Amy Aho­­miro, Dennise Michelle Lazaro at Julia Melissa Mo­­rado na tumulong sa panalo.

Si Morente ay may 11 puntos na lahat ay ginawa sa kills, habang si De Jesus ay naghatid ng 10, kasama ang dalawang aces.

May apat na blocks si Ahomiro, si Lazaro ay may 15 digs at 18 reception at may 24 excellent sets si Morado.

“The team played with unity and heart strong. I’m really happy. Maraming salamat po,” pahayag ng Thai coach ng Ateneo na si Anusorn Bundit.

Sa ikalawang set ay tunay na ipinakita ng Lady Eagles ang kanilang palabang puso nang bumangon mu­la sa 10-17 pagkakabaon.

Umabante ang Lady Spikers, may ‘thrice-to-beat’ advantage sa Finals mula sa 14-0 sweep sa elimination round, sa triple match point (24-21) mula sa service error ng rookie na si Morente.

Ngunit hindi nagpatalo ang Ateneo.

Show comments