MANILA, Philippines - Gabi ng mga paborito ang naganap noong Huwebes sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ito ay matapos magdomina ang mga patok na kabayo sa higit sa nakararaming karera sa walong nakahanay.
Nanguna sa mga nagpasikat na paborito ay ang kabayo ni JV Ponce na Fast Forward matapos higitan ng tambalan ang pang-apat na puwestong pagtatapos sa huling karera nang manalo sa handicap race two sa 1,200-metro distansya.
Kumaripas ng takbo ang Fast Forward sa huling kurbada kasama ng Ideal View ni AP Asuncion para abutan ang naunang lumayo na Devega.
Matinding bakbakan ang nangyari sa rekta at pinalad ang Fast Forward na makaungos ng kalaha-ting pagitan sa Ideal View sa meta.
Outstanding favorite ang Fast Forward para makapaghatid ng P6.50 sa win habang may P21.50 ang tinanggap ng mga nanalig sa 7-6 forecast.
Tinuhog ng Golden Rule ang ikalawang sunod na panalo sa buwan ng Marso sa pagdadala ngayon ni Mark Alvarez habang nakita rin ang husay sa pagdiskarte ni Fernando Raquel Jr. nang makadalawang panalo sa una sa dalawang magkasunod na karera sa pistang pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Lamang ang Golden Rule na huling nanalo sa pagdadala ni JF Paroginog, sa kabuuan ng karera pero kinailangan pa rin ni Alvarez na gamitan ng latigo ang kabayo para hindi mawala ang init sa rekta.
Malakas ang dating ng nakalabang Flying Honor na tumakbo kasama ang coupled entry na Royal Jewels, pero nakaharurot ang Golden Rule sa huling 20-metro para sa isa’t kalahating dipang panalo.
Kumabig pa ng P7.00 ang win ng Golden Rule habang ang 3-1 forecast ay naghatid ng P11.00.
Naipanalo naman ni Raquel ang mga kabayong Final Judgement at Richard para magningning din sa paglahok sa karera.
Tampok na panalo ang naitala ng Final Judgement dahil ito ang lumabas bilang dehadong kabayo sa karerang ito.
Nakuha ng kabayo ang pangalawang hangin para mabawi ang kalamangan na hinawakan ng Boy Pick Up sa likuran.
Ang paborito sa 12 kabayong tumakbo sa class division 1-B na Dainty Ankles ni AM Basilio ay nag-init para makasabay sa Final Judgement sa rekta.
Dito napalabas ni Raquel ang nakatago pang lakas ng Final Judgement tungo sa isang dipang panalo.
Ito ang ikalawang pagdiskarte ni Raquel sa kabayo at nakabawi sila sa pang-apat na puwestong pagtatapos noong Marso 8.
Pumalo ang win sa P20.00 habang ang 5-10 forecast ay may P67.00 na ipinamahagi. (AT)