PATAFA magbabalasa ng mga coaches

MANILA, Philippines - Itinalaga kahapon ni PATAFA president Go Teng Kok si Agustin Jarina bilang interim head coach kapalit ni Joseph Sy.

Ang aksyon ni Go ay ginawa matapos atasan din ang lahat ng mga National coaches sa kanilang hanay na magsumite ng courtesy resignation upang bigyan siya ng laya sa gagawing revamp para maibalik ang katahimikan sa asosasyon.

Sina Sy at Rosalinda Hamero ay nasa kontrobersya matapos akusahan ni PSC commissioner Jolly Gomez na nagpapabaya sa kanilang tungkulin.

Lalong naipit si Sy nang lumabas ang alaga mula sa Mapua na si Henry Dagmil na sinabing hindi siya nabigyan nito ng programa mula nang makapasok sa National team noong 2000 at isiniwalat pa na hawak nito ang ATM ng mga atleta na may utang sa kanya.

“As of today, all the coaching positions are vacant. I decided to make a revamp after meeting with the coaches and athletes,” wika ni Go.

Inatasan din ni Go si Jarina na kausapin ang lahat ng coaches at sikapin na ayusin ang mga paksyon sa kanilang hanay.

Nakaharap na rin ni Go sina Dagmil at coach Arnold Villarube at inatasan din niya ang dalawa na gumawa ng written report sa ginawang paglapit sa PSC upang dito ilabas ang kanilang sama ng loob.

Si Villarube ay isa sa apat na kasapi ng PATAFA na gumawa ng affidavit na nagpapatotoo na hawak ni Sy ang kanilang ATM.

“Nag-apologized sila sa akin at sinabi rin na hindi sila laban sa akin kungdi  kina Sy at Hamero lamang. Humingi rin ako ng sorry dahil nangyari ito noong nawala ako dahil sa sakit ko. Maganda  naman ang usapan namin,”sabi pa ni Go.

Kasabay nito ay gagawa rin ng komite ang PATAFA para imbestigahan ang mga akusasyon sa dalawang coaches.

Gagawin ito ng PATAFA bilang pagsunod sa rekomendasyon ng international body na IAAF at Asian Athle-tics Association (AAA) na hiningian ng opinyon ni Go.

Idinagdag pa niya na itinuturing ng dalawang bodies ang pagpasok ng PSC bilang government intervention kaya’t kailangan ang PATAFA mismo ang bumuo ng hiwalay na panel at ang resulta ng imbestigasyon ay dapat na ipaalam din sa IAAF at AAA.

“Because of my sickness, I was out of my post for quite a while at maraming nangyari na hindi ko alam. I promise to bring back the harmony in PATAFA now that I am back,” pagtitiyak ni Go. (AT)

Show comments