MANILA, Philippines - Magbabalik ang Up And Away para pagsikapan ang maging kauna-unahang kabayo na makadalawang sunod na titulo sa ginaganap na Philracom 3-Year Old Local Filly race sa susunod na linggo sa bakuran ng MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Sariwa ang kabayong sinasakyan ni Dominador Borbe Jr. sa panalo sa second leg noong nakaraang buwan sa Sta. Ana Park kaya’t tiyak na kondisyon ang Up And Away para sa posibleng ikalawang sunod na kampeonato sa karerang handog ng Philippine Racing Commission.
Inilagay ang karera sa 1,600-metro at ang magsisilbing tinik sa hangaring ito ng kabayong kinilala bilang pinakamahusay na two-year old filly noong 2013 sa isinagawang Gintong Lahi Awards ng Philtobo, ay ang coupled entries na Bahay Toro at That Is Mine.
Ang dalawang kabayong nabanggit ang siyang nakalaban ng Up And Away at ang Bahay Toro na kampeon sa first leg, ang pumangalawa bago tumawid ang That Is Mine sa ikatlong puwesto sa second leg.
Ang iba pang nominado sa karera na gagawin sa Marso 15 ay ang Roman Charm at Winter’s Tale.
Pangalawang pagkakataon na sasali ang Winter’s Tale habang ito naman ang una para sa Roman Charm.
Limang kabayo naman ang magpapanagupa sa 3YO Local Colt na lalarga sa Marso 16 sa ikatlong race track sa bansa.
Bagong kampeon uli ang lalabas sa nasabing hanay dahil hindi nagpatala ang first at second leg champions na Low Profile at Dixie Gold.
Ang mga maglalaban-laban sa isang milyang distansya ay ang Kanlaon, Diamond’s Good, Tan Goal, River Mist at Wild Talk.
Inaasahang mapapaboran ang Kanlaon sa karera matapos manalo sa hu-ling takbo sa 3YO Maiden Race noong Pebrero 27.
Makakaribal ng kabayong inaasahang sasakyan ni Jessie Guce ang Tan Goal na dinomina ang PCSO Special Maiden Race noong nakaraang buwan.
Ang tinalo ng Tan Goal ay ang Kanlaon kaya’t asahan na magsisikap na bumawi ang handlers ng huli sa pag-angkin ng panalo sa karerang ito.
Sinahugan ang dalawang karera ng tig-P500,000,00 gantimpala ng Philracom at ang mananalo ay mag-uuwi ng P300,000.00 habang ang papanga-lawa hanggang papang-apat ay may P112,500,00, P62,500.00 at P25,000.00 premyo. (AT)