MANILA, Philippines - Nakatakdang desis-yunan ngayong araw ng PBA Board of Governors ang aplikasyon ng dalawang bagong prangkisa.
Ang dalawang aplikanteng gustong makakuha ng prangkisa sa professional league para sa susunod na season ay ang Ever Bilena Cosmetics at ang Columbian Autocar Corp.
Nakapagsumite na ang Ever Bilena Cosmetics ng letter of intent noong nakaraang Biyernes na pirmado nina chairman at chief executive officer Dio-celdo Sy at chief opera-ting officer Silliman Sy.
Sinabi ni Dioceldo Sy na handa siyang gumastos ng P100 milyon para sa prangkisa ng Ever Bilena.
Sakaling aprubahan ang kanilang aplikasyon ay dadalhin ng Ever Bilena ang Blackwater brand na kanilang ginagamit sa PBA D-League.
Ang pamilyang Sy ay matagal nang nasa basketball scene sa pagkampanya sa dating Philippine Basketball League (PBL).
Ang Kia naman ang brand na gagamitin ng Columbian sa PBA sakaling aprubahan ang kanilang pagpasok.
Maliban sa Ever Bilena at Columbian, mayroon pang dalawang grupong gustong makakuha ng prangkisa para sa susunod na PBA season.
Ang sinasabing dalawang kompanya na gustong magkaroon ng prangkisa sa liga ay ang Hapee Toothpaste, dati nang naglalaro sa PBL at ang NLEX.