Bulls sinuwag ang Dallas Mavericks

DALLAS -- Hindi nag-alala si Taj Gibson nang ma­iwanan ang Chicago ng Dallas sa kaagahan ng la­ro, at lalong hindi ninerbiyos matapos humabol ang Mavericks sa dulo ng fourth quarter.

Nagposte si Gibson ng 20 points at 15 rebounds, ha­bang nagsalpak si Mike Dunleavy ng isang go-ahead 3-pointer para pangunahan ang Bulls sa 100-91 paggupo sa Mavericks.

“We're used to this,” sabi ni Gibson para sa Chica­go (32-26) na naipanalo ang walo sa kanilang huling si­yam na laro. “We get knocked down and we keep coming back.”

Nagtayo ang Mavericks ng isang 16-point lead sa first half at binura ang isang six-point edge ng Bulls sa pamamagitan ng 7-0 atake.

Sinimulan naman ni Dunleavy ang isang 10-0 ratsada ng Chicago mula sa kanyang 3-pointer para sa ka­nilang 87-85 abante.

Naglista si Jimmy Butler ng 19 points, 7 rebounds at 1 block at nagdagdag ng 17 markers si Kirk Hinrich  para sa Bulls.

Tumapos si Dunleavy na may 16 points at 8 rebounds.

Umiskor sina Dirk Nowitzki at Vince Carter ng tig-15 points para sa Dallas.

Sa Oklahoma City, kumabig si Kevin Durant ng 30 sa kanyang 37 points sa second half para akayin ang Thunder sa 113-107 paggiba sa Memphis Grizzlies.

Tumipa si Durant ng 10-of-15 shots at 8-of-8 sa free throw line matapos ang halftime para sa tagum­pay ng Oklahoma City.

Kumolekta naman si guard Russell Westbrook ng 21 points at 6 assists sa loob ng 28 minuto.

Nagdagdag si Serge Ibaka ng 16 points at 9 rebounds, habang may 14 markers si Reggie Jackson pa­ra sa Thunder.

Sa Los Angeles, umiskor si Jordan Farmar ng ca­reer-high 30 points, tampok ang 8-of-10 sa 3-point range, para pamunuan ang Lakers sa 126-122 pananaig laban sa Sacramento Kings.

 

Show comments