Muñoz may advantage para pabagsakin si Servania

MANILA, Philippines - Gagamitin ng 35-anyos at dating world champion na si Alexander Muñoz ng Venezuela ang karanasan na nakuha laban sa mga matitikas na boksingero para maigupo ang husay ng batang Filipino WBO Intercontinental super bantamweight champion Genesis ‘Azukal’ Servania.

“My advantage is my experience fighting world champions. My five losses came against world class fighters and I feel good for this fight,” wika ni Muñoz gamit ang interpreter sa press conference kahapon ng Pinoy Pride XXIV.

May 36 panalo sa 41 laban ang baraha ni Muñoz na dating WBA super flyweight champion.

Pero huling laban niya ay noon pang Mayo 4 at natalo siya kay Leo Santa Cruz para sa USBA super bantamweight title.

Nagbalak na siyang  magretiro at pumasok na sa pagnenegosyo hanggang sa nakuha ang tawag sa ALA Promotions para sa laban na ito.

Hindi naman natinag si Servania at tiwalang mapapalawig ang malinis na 23-0 baraha sa Sabado.

“Hindi ko iniisip ang hometown advantage ko. Basta gagawin ko lang ang lahat ng  makakaya ko kapag nasa ring na ako,” ani  Servania.

 

Show comments