MANILA, Philippines - Sino ang tatanghaling pinakamatuling bangkero at dragon boat team?
Maghaharap-harap ang mga batikang mananagwan sa gaganaping 2014 Manila Bay Summer Sea-sports Festival sa Marso 8-9?
Inaasahang lalahok ang batikang mga bangkero mula sa Batangas, Cavite, La Union, Pangasinan, Bacolod, Iloilo, Bulacan, Navotas, Ilocos Sur, Misamis Oriental at lalawigan ng Quezon.
Sa dragon boat race, mapapanood ang mga Olympic rowers, Southeast Asian Games medalists at miyembro ng World Champion Philippine National Dragon Boat Teams. Kabuuang 18 koponan ang nagpalista.
Ang 2014 Manila Bay Summer Seasports Festival, ay handog ng Manila Broadcasting Company at Lungsod ng Maynila, sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard.
Alas-otso ng umaga ang simula ng mga karera. Inanyayahan din ang ilang tampok na mang-aawit upang mag-perform sa awarding ceremony.