Ginawa na ang lahat ng POC para tulungan si Martinez

MANILA, Philippines - Ginawa ng Philippine Olympic Committee (POC) ang dapat gawin para tulungan ang figure skater na si Michael Christian Martinez na siyang natatanging lahok ng Pilipinas sa Winter Olympics sa Sochi, Russia.

Sa panayam kahapon kay POC chairman Tom Carrasco Jr., kanyang sinabi na naipasok ng POC si Martinez sa IOC Olympic Solidarity Program at binigyan siya ng $1,500.00 monthly training allowance para sa apat na buwan na nagsimula noong Hulyo.

Idinagdag pa ng POC official na nakahanda na rin ang tseke na nagkakahalaga ng $2,125.00 na ginastos ng manlalaro bilang pamasahe niya noong nagsanay sa Russia habang may allowance ding $50.00 kada-araw si Martinez para sa 26 na araw habang nasa Sochi para sa kabuuang $1,300.00 halaga.

“The POC is giving him more for his training and participation in the Winter Olympics. Kahit ang kanyang gamit like uniforms ay provided ng POC,” pahayag ni Carrasco.

Ang POC ang ikala-wang ahensya ng palakasan sa bansa na nagsalita matapos ihayag ng ina ni Martinez na si Maria Teresa na kinailangan pa nilang isanla ang bahay para mapunuan ang gastusin para makasali sa nasabing kompetisyon.

Naunang nag-react si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia na sinabing nagbigay sila ng $7,200.00 sa POC na siyang humingi ng tulong para kay Martinez.

Ninilaw din ni Garcia na hindi nagbibigay ng anumang pinansyal na tulong ang ahensya kay Martinez dahil hindi humihingi ang Philippine Skating Union at dahil nasiguro ng PSC head sa mismong godfather ng ice skating na si Hans Sy na siya ang sasagot sa lahat ng pangangailangan ni Martinez.

Si Sy ay sinasabing nagbigay na ng kulang P2 milyon para sa paghahanda ng 17-anyos na skater.

Nalulungkot naman si POC 1st vice president Joey Romasanta sa nangyayari lalo pa’t may balitang naaapektuhan ang batang skater sa nangyari.

“I feel bad that this issues raised by the fami-ly of Martinez came out just ilang araw bago siya mag-compete. Nababahala ako dahil maaaring maapektuhan ang kanyang performance at isisi ito sa POC at PSC,” wika ni Romasanta.

Si Martinez ay nakatakdang sumalang sa aksyon ngayon at kaila-ngan niyang tumapos sa top 24 sa mga skaters para makalaro bukas.

Tiniyak ni Garcia na sakaling manalo siya ng medalya ay tatanggap si Martinez ng gantimpala na nakasaad sa Incentives Act.

Itutulad ang Winter Games sa ibinibigay sa Summer Olympics na kung saan ang ginto ay may P5 milyong pabuya, ang pilak ay may P2.5M ganansya habang ang bronze ay may P1m insentibo. (AT)

Show comments