MIAMI -- Nagtulong sina Chris Bosh at LeBron James upang ihatid ang Miami sa 113-101 panalo laban sa San Antonio Spurs sa rematch ng kanilang finals showdown noong nakaraang season.
Umiskor si Bosh ng 24 points mula sa 9-for-10 fieldgoal shooting at nagdagdag si James ng 18 points para pangunahan ang Miami.
“Did that feel like The Finals? No, it did not feel like The Finals,’’ wika ni Heat coach Erik Spoelstra sa postgame interview.
Nag-ambag si guard Mario Chalmers ng 16 points para sa Miami, ginamit si Dwyane Wade bilang reserve sa unang pagkakataon matapos noong Enero 6, 2008.
Tumapos si Wade, kasalukuyang sumasailalim sa isang knee rehabilitation, na may 8 points at 5 assists sa loob ng 24 minuto.
Tumipa si Michael Beasley ng 12 markers kasunod ang 11 ni Norris Cole at 10 ni Ray Allen para sa Miami (32-12).
Pinamunuan naman ni Tim Duncan ang San Antonio sa kanyang 23 points, habang may 15 si Boris Diaw.
Nagdagdag si Marco Belinelli ng 12 markers kasunod ang 11 ni Tony Parker para sa Spurs, hindi nagamit ang mga may injury na sina Kawhi Leonard (hand), Danny Green (hand) at Tiago Splitter (shoulder).
Sa Oakland, California, kumolekta si guard Stephen Curry ng 38 points, 8 assists at 7 rebounds para banderahan ang Golden State Warriors sa 103-88 paggiba sa Portland Trail Blazers.
Tumipa ang bagong hirang na All-Star starting point guard na si Curry, nagsuot ng makintab na kulay gintong sapatos, ng 13-of-23 fieldgoal shooting para sa opensa ng Warriors.
Naging mahigpit rin ang depensa ng Golden State para itayo ang isang 22-point lead sa gitna ng fourth quarter at hindi na nilingon pa ang Portland.
Nagdagdag si David Lee ng 17 points at 12 rebounds, samantalang may 17 markers si Klay Thompson para sa Warriors na naunang natalo ng tatlong sunod sa Golden State.