MANILA, Philippines - Hindi lamang ang pagbuo ng malakas at palabang National team ang pinagpaplanuhan ni PSC chairman at Asian Games Chief of Mission Ricardo Garcia kungdi kung paano tatakbo ng maayos ang mga kasamang staff kapag dumating ang delegasyon sa Incheon Korea.
Inilahad ni Garcia ang plano na kumuha ng manager na ang trabaho ay tiyakin na magagampanan ng lahat ang kanilang mga responsibilidad kahit wala ang Chief of Mission o ang deputy CDM.
“Kasama ng role ng CDM is to attend as many games as possible para matutukan ang mga atleta. Ang mga hindi mapupuntahan ng CDM ay pupuntahan ng Deputy CDM. So ang nangyayari ay walang nangangasiwa sa opisina ng Philippine delegation at hinihintay pa na sa gabi pag-usapan ang mga kailangan ng delegasyon,†wika ni Garcia.
Para masolusyunan ito, magtatalaga siya ng director for operation na siyang mangangasiwa sa tanggapan ng delegasyon at maglalabas ng mga desisyon kung wala ang CDM o ang deputy nito.
“The office manager will make sure that everybody is functioning even if wala ang CDM o ang deputy CDM. Agad-agad ay makakapagdesisyon sa mga mahahalagang bagay at hindi na kailangang ipagpabukas pa dahil sa gabi pa mahaharap ng CDM ang problema,†dagdag ng sport official.
Wala pang pangalan na ibinigay si Garcia na kanyang ilalagay na deputy CDM at office manager pero tiniyak niya na ang taong mauupo sa huling puwesto ay kuha ang kanyang pagtitiwala.
Maaaring desisyunan ang bagay na ito ilang buwan bago umalis ang pambansang delegasyon para sa Asian Games na gagawin mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Ang uunahin ay ang pagbalangkas ng manlalaro para sa koponan. (AT)