Hog’s Breath palaban pa sa Top 2 na aabante sa semis

MANILA, Philippines - Nabuhay ang opensa ng Hog’s Breath Café sa huling apat na minuto para manatiling palaban sa unang dalawang puwesto sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa 73-63 panalo sa Blackwater Sports kahapon sa Trinity University of Asia gym.

Sina Kevin Racal, Jamil Gabawan at Paul Sanga ay nagsanib sa krusyal na 11-0 bomba sa huling 4:27 sa orasan upang ang 57-61 iskor ay naging 68-61 bentahe tungo sa tagumpay.

May 14 puntos si Racal habang tig-10 ang ibinigay nina Gabawan at Sanga para sa Razorbacks na umangat sa 9-3 karta.

Pinakamasamang pagtatatapos ng Razorbacks ay sa ikaapat na puwesto ngunit taglay nila ang twice-to-beat sa quarterfinals.

Pero may tsansa pa sila sa unang dalawang puwesto na diretsong aabante sa semifinals depende sa ipakikitang laro ng nasabing koponan at ng Big Chill at NLEX.

“The spunk is there. Hopefully we can keep this momentum into our final game,” pahayag ni Garcia na ang huling laro ay laban sa Superchargers.

Bumaba ang Elite sa 6-5 baraha at kailangan nila ngayon na maipanalo ang laro laban sa Café France bukas para manatiling buhay ang hangaring makaiwas sa maagang bakasyon.

Gumana ang mga kamay ni James Martinez sa ikalawa at ikatlong yugto para silatin ng Cebuana Lhuillier ang Cagayan Valley, 76-68, sa unang laro.

Ibinuhos ni Martinez ang 16 sa kanyang 20 puntos sa laro sa gitnang quarters upang bigyan ang Gems ng 59-46 kalamangan papasok sa hu-ling yugto.

Umangat ang Gems sa 5-6 baraha pero hindi sapat ang ipinakita sa kaagahan ng kompetis-yon para mamahinga na sa liga.

Ang Rising Suns ay lumasap ng ikaapat na pagkatalo matapos ang 12 laro at natanggal na sila sa laban para sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals. (AT)

Show comments