MANILA, Philippines - Hindi lang ang mga lugar na naapektuhan ng bagyong Yolanda ang mabebenepisyuhan ng tulong pinansiyal na ibinigay ng International Olympic Committee.
Sinabi ni Jose Cojuangco, presidente ng Philippine Olympic Committee na ti-tingnan din nila ang mga lugar na nasalanta ng ibang kalamidad noong Nobyembre.
Hindi sinabi ni Cojuangco kung alin ang mga lugar na ito ngunit posibleng mapasama dito ang Bohol at ibang kalapit na lugar matapos yanigin ng 7.2 magnitude na lindol noong October.
Noong November, nanalasa ang Yolanda sa Visayas kaya maraming nasira sa Eastern Samar at Leyte.
Sa pagsasara ng 32nd Olympic Council of Asia general assembly kamakalawa sa PICC, nag-donate ang IOC ng $450,000 o P20.5 million sa POC.
Ang halagang ito ay gagamitin para sa rehabilitation ng sports facilities na nasira ng bagyo. Ang Japan Olympic Committee ay nag-donate din ng $30,000 para sa relief efforts.
“There are other areas that were affected by previous calamities. We will look into them as well. It’s not only those that were affected by Yolanda but the other areas, too,†sabi ni Cojuangco.
Regular na ia-update ni International Olympic Committee representative to the Philippines Mikee Cojuangco Jaworski ang IOC ukol sa rehabilitation projects.
Ang mga foreign delegates na dumalo sa two-day OCA event ay nagpahayag ng pakikiramay sa Pinas.