FEU volleybelles bumangon; La Salle vs Ateneo ngayon

MANILA, Philippines - Tinapos ng FEU ang magkasunod na kabiguan nang tuhugin ang UST, 15-25, 25-15, 25-22, 25-22, sa 76th UAAP womens volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Si Remy Joy Palma ay may 20 hits habang si Bernadeth Pons ay nagdagdag ng 13 at may 9 digs pa upang maisantabi ang pangunguna sa first set ng Lady Tigresses.

Sa fourth set nakita ang tapang ng Lady Tamaraws nang bumangon sila mula sa 15-20 iskor para maitabla ang baraha sa 3-3.

Nalaglag ang UST sa ikaapat na sunod na pagkatalo at kinulang uli ng suporta ang mga kamador na sina Pam Lastimosa at Carmela Tunay na gumawa ng 18 at 13 hits.

May 2-5 baraha ang UST matapos ang asignatura sa first round at kailangang manumbalik ang dating tikas para makapasok sa Final Four.

Nauna rito ang dominasyon ng UP sa UE, 25-8, 25-18, 25-16, sa unang laro.

Sina Angeli Araneta at Kathy Bersola ay may tig-11 puntos at nagsanib sa 6 blocks habang ang rookie na si Julienne Calugcug ay may 11 hits para sa balanseng pag-atake.

Ito ang unang panalo ng Lady Maroons matapos ang pitong laro at iniwan nila sa huling puwesto ang Lady Warriors na wala pang panalo matapos ang anim na laban.

Dadayuhin naman ang MOA Arena ngayon sa pagkikita ng magkaribal na De La Salle University at Ateneo De Manila University.

Ang dalawang koponang ito ang nagsagupa sa kampeonato noong nakaraang taon at hindi malayong muli silang gagawa ng record sa gate attendance dahil sold out na ang mga tickets.

 

Show comments