Malapit nang sumabak sina Orcollo, Corteza

MANILA, Philippines - Bubuksan ng mga pinagkakapitaganang bilyarista ng bansa ang kampanya sa 2014 sa pagsali sa Derby City Classic sa Horseshoe Southern Indiana mula Ene-ro 24 hanggang Pebrero 1.

Mangunguna sa laban ng Pilipinas sina Lee Vann Corteza, Dennis Orcollo, Francisco Bustamante at Carlo Biado na siyang lumabas na pinakamakinang na manlalaro sa kalalakihan noong 2013.

Ang mga paglalabanang titulo rito ay ang Straight Pool Challege, One Pocket Division, One Pocket Mini, 9-ball Banks Division, Bigfoot 10-ball Challenge at ang Master of the Table.

Si Bustamante ang lumabas na pinakamahusay na manlalaro noong 2013 Derby City Classic matapos dominahin ang 9-ball Banks at hinirang bilang Master of the Table habang si Orcollo ang kampeon sa 10-ball Challenge.

Ang kampanya sa kababaihan na pangungunahan ni 2013 World Women 10-Ball Champion Rubilen Amit ay bubuksan sa pamamagitan ng Amway WPA Women’s 9-ball Open na itinakda mula Pebrero 27 hanggang Marso 2 sa Chinese Taipei.

Mapapahinga ang mga pambato sa sumunod na dalawang buwan bago bumalik sa aksyon sa Hunyo sa dalawang malalaking kompetisyon.

Una na rito ay ang  China Open na bukas sa kala-lakihan at kababaihan mula Hunyo 1 hanggang 8. Si Corteza ang magpipilit na mapanatili ang koronang  napanalunan noong nakaraang taon.

Sa Hunyo 16 hanggang 27 ay lalarga naman ang prestihiyosong World 9-ball Men’s Championship sa Doha, Qatar.

Kung hindi magbabago, babalik din sa taong ito sa Dubai, United Arab Emirates ang World 8-Ball Men’s Championship at ito ay balak gawin mula Agosto 16 hanggang 23. Tatlong araw matapos magsara ang World 8-ball ay paglalabanan naman ang World Cup of Pool na kung saan sina Orcollo at Corteza ang nagdedepensang kampeon.

Mula Agosto 26 hanggang Setyembre 7 itinakda ang kompetisyon at sinasabing ibabalik ito sa Pilipinas dahil sa magandang suporta ng manonood sa mga naunang edisyon.

Ang huling malaking torneo na may basbas ng World Pool Association ay ang All Japan Championship Men mula Nobyembre 19 hanggang 24. (AT)

Show comments