‘Di babaguhin ni Reyes ang Gilas team kung...

MANILA, Philippines - Ipinaramdam ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes na gagamitin pa rin niya ang kanyang National pool kung sa pagtatapos pa ng 2013-2014 season ipapahiram ng PBA ang kanilang mga players.

“As of now daily training starts Aug. 1. If that’s the case, no time to try new players for roster change,” wika ni Reyes sa kanyang Twitter account.

Pinaghahandaan ng Gilas Pilipinas ang mabigat na labanan sa 2014 FIBA World Championships sa Agosto sa Spain.

Ang 39th PBA season ay maaaring umabot sa Agosto 11 kung magkakaroon ng Game Seven sa 2014 Governors’ Cup Finals.

Magsisimula naman ang FIBA World Cup sa Agosto 30.

Matapos gumawa ng major revisions sa kanilang kalendaryo noong nakaraang season, sinabi ng mga PBA officials na hindi nila ito maaaring gawin nga-yong season para sa Gilas Pilipinas.

Sa pagsikip ng kanilang iskedyul, halos apat na laro bawat linggo ang itinatakda ng PBA.

Nakatakdang talakayin ng PBA Board at ni Reyes ang partisipasyon ng National team sa 2014 FIBA World Cup at maging sa 2014 Asian Games sa Incheon, Korea sa kanilang gagawing pulong bago matapos ang Enero.

Ang bahagi ng kasunduan ay ang isang beses na pag-eensayo ng Gilas Pilipinas bawat linggo.

“After February, but those are basically shooting drills and walk-throughs. Can’t go hard as players are still in-season,” wika ni Reyes sa Twitter.

Sisimulan ng Nationals ang kanilang team practices matapos ang World Cup draw na nakatakda sa Pebrero 3 sa Spain.

Kumpirmado nang magiging bahagi ng National pool ang ‘Fighting 12’ kasama si reserve Beau Belga na sumabak sa nakaraang FIBA Asia Championships.

Muling pinapirma ng Gilas Pilipinas ng panibagong kontrata si naturalized player Marcus Douthit hanggang sa 2014 Incheon Asiad.

Ang mga nasa National pool ay sina Jayson Castro, Jimmy Alapag, LA Tenorio, Larry Fonacier, Jeff Chan, Gabe Norwood, Gary David, Japeth Aguilar, June Mar Fajardo, Marc Pingris at Ranidel de Ocampo.

Posible ding ikunsidera ni Reyes sina Greg Slaughter, Kelly Williams, Marcio Lassiter at Chris Lutz.

Show comments