Pearloftheorient kumaripas ng takbo

MANILA, Philippines - Kumaripas ng takbo ang Pearloftheorient  sa huling 100-metro para manalo bilang pinakaliyamadong kabayo noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Noon pang Abril ang huling takbo ng nanalong kabayo na sinakyan pa rin ni Fernando Raquel Jr. Pero hindi nawala ang galing na nakita sa kabayo noong nanalo sa tatlong takbo sa nasabing buwan matapos dominahin ang class division 1-B karera na inilagay sa 1,300-metro distansya.

Ang lahat ng pitong kabayo ay halos magkakasabay na dumating sa rekta at ang dehadong Magic Chant ni RR Camañero ang nakalayo nang kaunti matapos kunin ang balya. Ngunit tinulak-tulak lamang ni Raquel ang Pearlofthe-orient para manalo ng dalawang dipang agwat sa Magic Chant.

Balik-taya ang ibinigay sa win ng Pearloftheorient (P5.00) habang ang 7-6 forecast ay naghatid ng P48.50 dibidendo.

Kuminang din ang takbo ng La Mallorca habang ang Ideal View ang lumabas bilang longshot sa huling araw ng pista sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).

Sinakyan muna ng La Mallorca na diniskartehan ni Pat Dilema ang maagang pag-alagwa ng Tito Arru bago tumodo sa rekta para magtala ng halos limang dipang panalo sa Face To Face.

Umangat ang La Mallorca mula sa class division 1A at hindi rin nasayang ang pagtitiwala sa lakas ng kabayo na pinaboran sa karera. Nagbigay ang win ng P6.00 habang umabot sa P52.50 ang 7-6 forecast.

Sa pagdiskarte ng apprentice jockey na si JL Paano nakapanilat ang Ideal View sa Handicap race 1 matapos manalo sa Hot Gossip ni JB Cordova.

Napangatawanan ng Ideal View ang pagkuha agad sa liderato sa karera sa pagbukas ng aparato tungo sa banderang-tapos. Humarurot ang Hot Gossip sa huling 100-metro pero hindi natinag ang nangungunang kabayo para manalo ng isang dipa sa meta. Nasa P32.00 ang win habang P36.00 ang dibidendo sa 5-4 forecast.

 

Show comments