BALIK-TANAW sa 1974 world meet

Isang buwan na lamang mula sa araw na ito, malalaman na natin ang mga koponang babanggain ng Gilas Pilipinas sa 2014 FIBA World Cup na nakatakda sa Spain.

Garantisado nang minimum na limang laro ang Team Pilipinas sa 24-team draw na hahatiin sa apat na six-team group sa elimination round. Ang Top Four sa bawat grupo ang aabante sa knockout stage.

Ngunit dahil matagal pa naman na muling bubuuin ni Gilas coach Chot Reyes ang kanyang koponan, magbalik-tanaw na muna tayo sa partisipasyon ng Phl team noong 1974 world championship.

Ito ang huling world championship na nilaruan ng Pilipinas bilang qualifier. Noong 1978, nakasama ang Team Phl bilang host team.

Ang inilabang koponan ang sumungkit ng ABC (FIBA Asia) championship crown sa Manila noong 1973 ang nagbitbit ng bandera ng Pilipinas sa 1974 world joust sa San Juan, Puerto Rico.

Nangunang kamador sina Bogs Adornado (18 points per game), Robert Jaworski (14.3), Manny Pa-ner (12.1), Mon Fernandez (10.4) at Jimmy Mariano (8.9) sa koponan ni coach Tito Eduque na kinabibilangan din nina Joy Cleofas, Tembong Melencio, Francis Arnaiz, Abet Guidaben, Yoyong Martirez, Big Boy Reynoso at Dave Regullano.

Champion ang Soviet Union nang kanilang talunin ang Yugoslavia at US sa tiebreak matapos nilang magtala ng pare-parehong 6-1 kartada sa final round na kinapalooban din ng Cuba (3-4), Spain (2-5), Brazil (2-5), Puerto Rico (2-5) at Canada (1-6).

Di umabot sa final round ang Pilipinas dahil yumuko sila sa US, 85-135; Argentina, 90-111 at Spain, 85-117, sa Group B elims phase. Di naman sila pumayag na mawalis dahil inungusan nila ang Australia, 101-100.

Tumapos sila na may kabuuang 2-5 kartada para sa ikalabing-tatlong pwesto nang talunin nila ang Central African Republic, 87-86, sa huling laro sa classification round. Una rito, bigo sila sa Mexico, 84-101 at sa Czechoslovakia, 112-119.

Kontra sa Central Africa, kumamada si Adornado ng 22 puntos at nag-ambag si Paner ng 19, si Jaworski ng 12 at si Guidaben ng 10 at rumatsada ang Pilipinas galing sa 41-49 halftime deficit upang tumapos na taas ang noo sa 1974 world meet.

Sa kanilang panalo kontra sa Australia, namuno rin si Adornado (20 puntos) at umalalay si Paner (16), Fernandez (16), Mariano (12) at Reynoso (10) sa paghatid sa Pilipinas sa kapana-panabik na isang puntos na panalo.

Sa susunod na edition ng quadrennial meet na ginanap sa Araneta Coliseum (1978), seeded ang Pilipinas sa final round bilang host. Ngunit olats ang home team sa lahat ng laro sa final round na pinagwagian ng Yugoslavia.

Umaasa ang marami na ang espiritu ng 1974 Philippine team ang sumama sa Gilas Pilipinas sa pagtulak nila sa Spain championship.

 

Show comments