Marquez mas pabor sa Pacquiao-Mayweather fight

MANILA, Philippines - Gagawa pa ng dalawang laban si Juan Manuel Marquez bago magretiro.

Ngunit muli niyang sinabi na hindi kasama sa kanyang listahan si Manny Pacquiao at hindi na mangyayari ang ikalima nilang paghaharap.

Mas gusto niyang mangyari ang Pacquiao-Floyd Mayweather Jr. fight na nais niyang panoorin.

Nakausap ng Boxingscene.com si  Marquez at sinabi niyang kahit na alukin siya ng malaking pera ay hindi na niya lalabanan uli si Pacquiao.

“The fifth fight is not going to happen. It’s not even worth it, because the people are very happy with that knockout,” sabi ni Marquez.

Isa itong knockout na hindi malilimutan ng marami. Para kay Marquez, magandang pagsasara ito ng klasikong rivalry nila ni Pacquiao matapos magresulta ang kanilang mga naunang laban sa kontrobersiyal na draw at decisions.

Ayon kay Marquez, mas gusto ng mga tao na mapanood ang Pacquiao-Mayweather fight.

“I hope they make the fight between Manny Pacquiao and Floyd Mayweather to erase any doubts (kung sino ang mananalo),” sabi ni Marquez.

Laging nababanggit ang pangalan ni Marquez kapag napag-uusapan ang laban ni Pacquiao para sa 2014 kasama sina  Timothy Bradley at Ruslan Provodnikov.

Dapat na sigurong alisin ni Bob Arum ang pangalan ni Marquez sa kanilang listahan.

Show comments