NAY PYI TAW – Isinalba ni swimmer Jasmine Alkhaldi ang makulimlim na kampanya ng PHL athletes matapos ihatid ang kaisa-isang gintong medalya ng Pinas kagabi sa 27th Southeast Asian Games na idinaraos sa iba’t ibang venue dito.
Bago lumubog ang araw, nakontento ang Pambansang delegasyon sa tatlong bronze medals na hatid ng mga wrestlers.
Pinangunahan ni Alkhaldi ang 100m freestyle matapos magrehistro ng pinakamabilis na oras na 56.65 segundo para ta-lunin ang mga Singapo-reans na sina Ting Wen Quah (56.74) at Amanda Xiang Qi Lim (57.21).
Habang naghihintay ng panggabing finals ng swimming event, ang panalo ng Sinag Pilipinas at ni Josie Gabuco ang nagbigay ng kasiyahan sa inaalat na Pambansang delegasyon.
Nakapasok si Gabuco sa light-flyweight finals sa pamamagitan ng impresibong panalo habang dinurog ng PHL men’s basketball team na Sinag Pilipinas ang host Myanmar, 118-43.
Bronze medal lamang ang nakayanang ihatid nina wrestlers Alvin Lobrequito, Jhonny Morte at Joseph Angana kaya ang tanging natitirang pag-asang makapaghatid ng gold ay si Jason Balabal, ang naka-bahag na flag bearer ng PHL delegation nang pumarada sa opening ceremonies kamakalawa at nakatakda itong lumaban sa freestyle finals sa ngayon.
Habang sinusulat ang balitang ito ay naghihintay pa ang finals ng event ng mga swimmers na sina Jasmine Alkhaldi at Matt kagabi.
Sa chess, naka-draw si Darwin Laylo laban kay Nay Kyaw Tun ng Myanmar habang ang kanyang kapwa Grand Master na si Eugene Torre ay natalo kay Muhammad Luftiali ng Indonesia sa six-round event.
Nabalutan ng kalungkutan ang mga atleta nang makarating sa kanila ang balitang ang ama ng two-event defending champion na si Iris Ranola ay yumao na ngunit ayon kay BSCP secretary-general at billiards delegation head Robert Mananquil, lalaro pa rin si Ranola sa 9-ball singles at 8-ball.
Sa canoeing, dahil walang dalang sariling bangka, tumapos sina Hermie Macaranas at Alex Generalo sa canoe and kayak competitions bilang fourth place sa men’s C1 500m at sixth sa men’s K1 500m, ayon sa pagkakasunod matapos manghiram lamang ng bangka sa Myanmar.
Inaasahang mag-iiba ang ihip ng hangin para sa Pinas sa paglarga ng aksiyon sa billiards, karatedo, weightlifting at sailing kasabay ng pagpapatuloy ng aksiyon sa karatedo, swimming, billiard, canoeing at kayaking.