MANILA, Philippines - Nagbunga ang pagbalik kay JB Bacaycay ng kabayong Ballet Flats matapos dominahin ang 3YO Special Handicap Race noong Lunes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang three-year old filly ay kumaripas ng takbo sa pagpasok ng far turn ng 1,400-metro distansyang karera upang manalo ang tambalan kahit naunang nalagay sa pangatlong puwesto.
Paborito ang Ballet Flats na huling nanalo noong Nobyembre 9 bago tumapos sa pangatlo at pangalawang puwesto sa sunod na dalawang karerang nilahukan noong Nobyembre 15 at 20.
Si DAR De Ocampo ang hinete sa tatlong takbo ng kabayo bago hinalinhinan ni Bacaycay.
Nasa P14.00 ang dibidendo ng win at nasa P134.50 ang ipinasok sa 4-5 forecast.
Lumabas naman ang galing ng Go Genius nang bumaba pa ng grupo habang nakuha ng Silver Champ ang ikalawang dikit na panalo kahit nagpalit ng hinete ang kabayo.
Matapos ang dalawang dikit na pang-apat na puwestong pagtatapos ay ibinaba ang Go Genius mula class division 1B tungo sa 1C pero nakatulong ito nang manalo ang kabayong sakay ni VM Camañero Jr. sa Huatulco ni NK Calingasan.
Pumalo pa sa P9.50 ang ibinigay sa win habang P53.00 ang dibidendo sa hindi napaborang 1-3 forecast.
Si AP Asuncion ang pinagdiskarte sa Silver Champ matapos maipanalo ni Mark Alvarez noong Nobyembre 28 pero walang pagbabago ang takbo nito tungo sa tagumpay sa special class division race sa 1,300-metro distansya.
Nadehado pa ang Silver Champ nang bigyan ang win ng P20.00 habang nasa P101.50 pa ang forecast na 3-1.