Nagpasiklab agad ang Sinag at Perlas

MANILA, Philippines - Sinandalan ng National men’s basketball team ang husay ng kanilang bench para maisantabi ang hamong hatid ng Singapore sa itinalang 88-75 panalo sa pagbubukas ng kampanya sa 27th SEA Games kahapon sa Zayar Thri Indoor Stadium.

Si Mark Belo ay naghatid ng 16 puntos at 10 rebounds habang ang pamalit ding sina Kevin Ferrer at Bobby Ray Parks Jr. ay nagdagdag pa ng 14 at 10 puntos at ang tatlo ang nagpaningas sa scoring run sa ikatlong yugto para hagipin ang unang panalo sa pitong bansang torneo.

Ang magkadikit na tres nina Parks at Ferrer ang nagpakinang sa 8-0 bomba upang ang 50-51 iskor ay naging 58-50 bago tumipa ng dalawang free throws si Belo sa 6-0 bomba para ilayo na sa 11 puntos ang 15-time champion Pilipinas, 70-59.

Taging si 6’10” naturalized center Marcus Douthit ang tumapos ng double-digits sa starters ni coach Jong Uichico sa kinamadang 14 puntos at 10 rebounds bukod sa dalawang blocks.

Nanguna sa Singapo-reans si Wei Long Wong sa kanyang 23 puntos  na nasayang bunga ng kanilang ikalawang sunod na pagkatalo.

Sunod na kalaro ng koponan ang Cambodia ngayong ika-3:30 ng hapon (Philippine time) at inaasahan na masusungkit ng Nationals ang ikalawang dikit na  panalo.

Doble-selebrasyon ang nangyari sa Pilipinas dahil nanaig din ang women’s team sa Malaysia, 65-59, sa naunang laro.

Inatake agad ng tropang hawak ni coach Haydee Ong ang depensa ng Malaysians  upang iwa-nan ng 20 puntos sa kaagahan ng labanan.

Si Merenciana Arayi ay mayroong 14 puntos habang si Analyn Almazan ay may 12 para pamunuan ang koponan na naipaghiganti rin ang pagkatalong ipinalasap ng Malaysia noong nagkita ang dalawa sa FIBA Asia for Women sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre.

Kalaro ng Natio-nals ang nagdedepensang kampeon Thailand.

Show comments