Parantac, Chan nagbigay ng silver medal sa Team Phl tatlong araw bago ang 27th SEAG

NAW PYI TAW --- Kaagad nagparamdam ng puwersa ang host country, habang ibinigay naman nina Da­niel Parantac at John Keithley Chan sa Pilipinas ang unang medalya sa 27th Southeast Asian Games ka­hapon dito.

 Inangkin nina Parantac at Chan ang silver medal sa duilian event ng wushu matapos maglista ng 9.62 points para sa silver medal.

Ang 9.64 points nina Kyaw Zin Thit at Wai Phyo Aung ang nagbigay sa Myanmar ng gintong medalya tatlong araw bago ang opisyal na pagsisimula ng nasabing 11-nation biennial event.

Ang Thailand ang kumuha ng bronze medal mula sa nakamit na 9.60 points nina Baramee Kulsawadmongkol at Pitaya Sae Yang kasama si female member Sujinda Sae Yang.

Sinuportahan naman ni Norlence Ardee Catolico sina Parantac at Chan bilang ikatlong player sa mat.

Dahil sa silver, pumang-walo ang Team Philippines katabla ang Indonesia, habang nasa ikaanim ang Cam­bodia (0-2-2).

Kinuha na ng Myanmar ang overall lead bago pa man ang pagsisimula ng SEA Games sa Disyembre 11 matapos ng magbulsa ng anim na golds at isang silver medal.

Ang lima sa anim na ginto ng host country ay ga­ling sa chinlone, isang Burmese term na nangangahu­lugan ng basket rounded o rounded basket.

Sumegunda naman sa Myanmar ang 2011 overall champion na Thailand  na may 2-2-0 gold-silver bronze medals.

May parehong 1-0-0 medal ang Vietnam at Malaysia.

Samantala, sasabak naman ang mga Filipino pugs bukas para sa pagsisimula ng boxing competitions.

 

Show comments